MANILA, Philippines – Inamin ni kontraktor Sarah Discaya sa Senate Blue Ribbon Committee na siya ang may-ari ng siyam na construction firms na lumalahok pa sa parehong bidding para sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Lumabas sa pagdinig na hawak ni Discaya ang Alpha and Omega General Contractor & Development Corp., pati na ang St. Gerrard, St. Timothy, St. Matthew, Elite, Amethyst Horizon Builders, YPR General Contractor, Great Pacific Builders, at Way Maker One Person Corp.
Una’y itinanggi niyang sabay-sabay lumalahok ang mga kumpanya, pero kalaunan ay umamin na “minsan” ay nagsasabay ang ilan sa mga ito.
Nang ipakita ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang mga record, sinabi nitong malinaw na iisa lamang ang kontrol ng mga kumpanya dahil karamihan sa mga nakalistang may-ari ay kaanak o empleyado ni Discaya.
“Pag naglalaban-laban yung siyam na korporasyon sa isang kontrata, kahit sino manalo, sa iyo pa rin yun,” giit ni Estrada.
Ipinakita naman ni Sen. Risa Hontiveros ang calling cards ng asawa at mga anak ni Discaya bilang opisyal ng ilan sa mga kumpanya, habang kinuwestiyon ni Sen. Erwin Tulfo ang pagiging chief financial officer niya sa iba’t ibang korporasyon.
Ayon kay Discaya, nagsimula silang lumahok sa DPWH bidding noong 2012 at nakapasok sa flood control projects noong 2016.
Sa pagdinig, lumabas din na nagmamay-ari siya ng 28 luxury cars, kabilang ang isang Rolls-Royce na nagkakahalaga ng P42 milyon, bagay na lalong nagdulot ng tanong sa kanyang yaman at koneksyon sa mga maanomalyang proyekto. RNT