MANILA, Philippines – Natanggap na ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang imbitasyon mula sa House Quad Committee (QuadComm) sa pagdinig bukas, Oktubre 22 para sa mga iniulat na extrajudicial killings (EJKs) sa war on drugs sa panahon ng termino nito, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Lunes, Oktubre 21.
“Napa-receive na po ‘yung invitation po sa ating dating pangulo. I have this picture na napa-receive na po. Confirmed po yun,” ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo sa isang press briefing.
“Yung committee po ni [Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers] directed the [Criminal Investigation and Detection Group] to ensure that the invitation addressed to the former president must be received by him or his representative,” dagdag pa niya.
Ani Fajardo, natanggap ng representative ni Duterte ang imbitasyon nitong Linggo.
Inimbitahan ni Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, si Duterte sa pamamagitan ng liham na may petsang Oktubre 18 para sa pagdinig na itinakda sa Oktubre 22. Magsisimula ang pagdinig 9:30 ng umaga.
“The Joint Committee respectfully invites you to attend the said inquiry to provide valuable insights and shed light on the issues under discussion particularly on extra-judicial killings,” saad sa liham.
Ayon kay dating presidential chief legal counsel Salvador Panelo, nagpahayag ng pagnanais si Duterte na dumalo sa pagdinig ng House QuadComm kung makatatanggap siya ng imbitasyon.
“He said if he received an invitation, he will,” ani Panelo.
Matatandaan na iniugnay ni retired police colonel at ex-general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office Royina Garma si Duterte na humingi umano sa kanya ng tulong na maghanap ng opisyal na magpapatupad ng Davao model ng war on drugs sa buong bansa.
Kasama umano rito ang reward na aabot ng hanggang P1 milyon sa mapapatay na drug suspect.
Itinanggi naman ni Duterte na mayroong reward system sa panahon niya.
Sa rekord ng pamahalaan, mayroong 6,200 drug suspects ang napatay sa operasyon ng pulisya mula Hunyo 2016 hanggang Nobyembre 2021.
Ngunit ayon sa ilang human rights groups, posibleng aabot pa ng hanggang 30,000 ang mga nasawi. RNT/JGC