ANO kaya ang mangyayari sa mga kasong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte?
Mahalagang katanungan ito kaugnay ng aksyon ng Supreme Court o SC sa dalawang magkahiwalay na kasong isinampa ni VP Duterte at ni Atty. Israelito Torreon at iba pa na kumukuwestion sa ligalidad at konstitusyonalidad ng mga nasabing kaso.
Nitong Hulyo 8, 2025, pinagpapaliwanag ng SC ang Kamara at Senado ukol sa usapin at binigyan lang sila ng 10 araw na sumagot.
Kabilang sa gustong malinawan ng SC ang naging pagtrato ng Kamara sa apat na impeachment complaint.
Isinampa ang unang kaso noong Disyembre 2, 2025 ng Magdalo at iba pa at inendorso ng isang partylist representative.
Sumunod ang pangalawa noong Disyembre 4 na isinampa ng mga aktibista at inendorso ng Makabayan bloc at ang ikatlo noong Disyembre 19 na isinampa mismo ng ilang kongresman.
Ikaapat ang pinirmahan ng 215 kongresman at ito ngayon ang hawak ng Senado.
ILANG ISYU
Mga proseso ng Kamara sa pagtrato sa mga kaso ang lumalabas na gustong malinawan ng SC upang malaman kung may mga batas at/o probisyon ng Konstitusyong 1987 na nalabag.
Pangunahing isyu ang ukol sa pagbabawal sa mahigit isang kasong impeachment laban sa iisang impeachable official sa loob ng isang taon batay sa tadhana ng Article XI, Section 3, paragraph (5) ng Konstititusyon.
Dahil sa apat na kasong isinampa at ang pang-apat ang ipinarating sa Senado, sinabi nina Duterte at Torreon na labag sa Konstitisyon ang ginawa ng mga kongresman.
Isa ring isyu ang tila pagpapatulog ng Secretary General ng Kamara sa tatlong kaso mula Disyembre 2 kahit dumating na ang Pebrero 5 na para sa ikaapat na kaso.
‘Yun bang === hindi nito ipinarating sa Speaker of the House ang mga nasabing kaso agad-agad o immediately pagkatanggap nito ng mga kaso at labag umano ito sa patakaran sa Kamara.
May sariling kapangyarihan o diskresyon ba umano ang Secretary General na gawin ito?
Isa pang isyu ang kung nabigyan si Duterte ng panahon na ipagtanggol ang kanyang sarili sa imbestigasyon na isinagawa ng Kamara.
Mahalaga rin ang isyu kung nabigyan o hindi ng kopya ang lahat ng kongresman, kung naintindihan nila ang laman ng complaint, kasama ang mga ebidensya, at kung dumaan ito sa pangkalahatang pulong at pagdedesisyon bago sila pumirma.
Isa naman sa dapat na ipaliwanag ng Senado kung ano ang ginawa nito matapos matanggap ang impeachment.
MGA KURO-KURO
Kung ano ang magiging desisyon…kung pabor o hindi ang SC kay Duterte o sa Kamara,
Kung kailan matatapos ng SC ang desisyon, wala ring makatitiyak.
Pero may nagsasabi nang posibleng gamitin ng Senado ang nagaganap sa SC para hindi umaksyon para sa paglilitis at maghintay ng resulta ng desisyon.
Maaaring gamitin umano ng Senado ang “respeto” sa SC bilang kapantay nitong organo ng pamahalaan.
May nagsasabi namang hiwalay ang Senate Impeachment Court sa SC at puwedeng magsagawa ng sarili nitong paglilitis.
Magkakaproblema nga lang kung magkataliwas ang desisyon ng mga ito at maaaring magbunga ng masama sa buong bansa.
Abangan na lang nating ang mangyayari.






