MANILA, Philippines – Sinabi ni Vice President Sara Duterte na ang impeachment complaint na inendorso ng Akbayan laban sa kanya ay “politically motivated” at walang sapat na ebidensya.
Sa isang video statement noong Sabado, iginiit ni Duterte na ang reklamo ay “a piece of paper” lamang at walang patunay para suportahan ang mga paratang. Inakusahan din niya ang kanyang mga kritiko ng pang-aabuso sa proseso ng impeachment at pangha-harass.
Ayon pa sa bise presidente, ang mga naunang imbestigasyon sa Kongreso ay hindi umano para gumawa ng batas kundi isang “fishing expedition” para sa planong impeachment. Mariin din niyang itinanggi ang alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds.
Sinabi ni Duterte, “They repeatedly raised the issue of ‘Mary Grace Piattos’ as an alleged mark of corruption, even though despite all investigations, they failed to show a single direct violation in the use of confidential funds.”
Kinuwestiyon din niya ang kredibilidad ng Akbayan at sinabing ang hakbang ng grupo ay may halong ambisyong pulitikal. Ang pahayag niya ay kasunod ng pag-transmit sa tanggapan ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ng dalawang impeachment complaints mula sa Makabayan bloc at sa Akbayan at ML Partylist.
Gayunman, ang tinugon lamang ni Duterte ay ang reklamong inendorso ng Akbayan, at inangkin niyang may ambisyong tumakbo sa pagkapangulo ang chair emeritus nito na si Sen. Risa Hontiveros.
Ang House of Representatives ang magpapasya sa susunod na hakbang kaugnay ng mga reklamo, habang iginiit ni Duterte na ang impeachment laban sa kanya ay may motibong pulitikal at kulang sa ebidensya. RNT/MND