MANILA, Philippines – Makakatanggap ng pagtaas sa sahod ang mga Overseas Filipino workers (OFWs) sa South Korea matapos aprubahan ng pamahalaan ng Korea ang minimum wage hike para sa 2026, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Ayon sa DMW, itinaas ang mandatory hourly minimum wage sa KRW 10,230 (humigit-kumulang P409) mula sa dating KRW 10,030 (P401). Dahil dito, aabot sa KRW 2,156,880 o tinatayang P86,252 ang average monthly wage para sa 209 oras ng trabaho kada buwan o karaniwang 40-oras na workweek.
Ang pagtaas ng sahod ay napagkasunduan ng Korean Minimum Wage Commission noong Hulyo 2025 at ipinatupad simula Enero 1.
Ayon sa DMW, “The minimum wage applies to all industries, including workers under the Employment Permit System (EPS) from manufacturing and caregiving sectors, in line with the principle of equal treatment.”
Batay sa datos ng ahensya, 25,606 Pilipinong minimum wage earners sa ilalim ng Employment Permit System ang direktang makikinabang sa bagong sahod.
Taun-taong nirerepaso ng pamahalaan ng Korea ang minimum wage batay sa cost of living, antas ng sahod, labor productivity, income distribution, at uri ng industriya. RNT/MND