Manila, Philippines – Kinumpirma ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, chairman ng House Committee on Justice na ang komite ay pumasok na sa tinawag na “territory of forensic truth” sa pagpapatuloy ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Z. Duterte.
Ito ay dahil sesentro ang komite sa pagpapatuloy ng pagdinig ngayong araw sa mga dokumento ukol sa statement of assets, liabilities, and net worth (SALN), Bureau of Internal Revenue (BIR), at Anti-Money Laundering Council (AMLC) at hindi masyado sa mga oral testimony.
Ipinaliwanag ni Luistro na ang pagdinig ngayong araw ay magiging turning point mula sa testimonya ng mga testigo at mga dokumento ukol sa umano’y kwestyunableng yaman ng pangalawang pangulo ng bansa.
“Today, we expect further evidence, from the Office of the Ombudsman, from the BIR, from the SEC, and especially from the AMLC. We also anticipate testimonies that will help contextualize the data before us, including from former Senator [Antonio] Trillanes.”
Sa ngayon aniya ay nasa punto na ang komite ng pagrerepaso at kunsiderasyon sa mga dokumento na hindi na umano matatakasan.
“Kung mapapansin ninyo, ang pag-uusapan natin ngayon ay mga numero, SALN, tax records from the BIR, and reports from the AMLC. This is the part where the numbers have to be studied, compared, and analyzed,” ani Luistro.
Ito rin aniya ang punto ng pagdinig kung saan isasailalim sa masusing pagsusuri sa mga discrepancies sa pamamagitan ng hawak nitong dokumento.
“And numbers, unlike people, do not have motives. Numbers do not lie. At dito po nagiging mas mabigat ang usapan. Because when we speak of numbers, we are no longer dealing with opinion, spin, or narrative, we are confronting cold, unyielding facts. Hindi ito napapakiusapan. Hindi ito natatakot. Hindi ito napipilit magsinungaling. A number either matches, or it does not,” dagdag pa ni Luistro.
Mabigat aniya ang bahaging ito ng pagdinig dahil ang mga numero na rerepasuhin ay sangkot ang pondo ng publiko na itiniwala ng mamamayan sa pamamagitan ng ibinabayad na buwis.
“At higit sa lahat, hindi po ito basta numero lamang, pera ito ng taumbayan. Pera ito ng manggagawang Pilipino na araw-araw kumakayod, ng pamilyang nagtitipid para makabayad ng buwis, ng bawat Pilipinong umaasa na ang kanilang ambag ay napupunta sa tama. A peso is either accounted for, or it is missing.”
“At kapag pinagsama-sama ang mga numerong ito, mula sa SALN, sa BIR, at sa AMLC, they begin to tell a story no press conference can rewrite, no diversion can erase. Because numbers, once laid bare, speak with a clarity that cuts through noise, and when they point to a discrepancy, they do not whisper. They demand to be answered.”
Kasabay nito ay sinabi ni Luistro na kung hindi ipagtatanggol ng bise presidente ang kaniyang sarili ay hahayaan na lamang ang mga dokumento ang siyang magsalita.
“Kung ayaw magsalita ng tao, kung ayaw humarap ng Bise Presidente, hayaan natin na ang mga numero ang magkwento. At ang direksyon natin ngayon ay simple, ngunit matibay: we follow the evidence, wherever it leads. Hindi tayo magpapadala sa ingay. Hindi tayo lilihis sa proseso.” Meliza Maluntag