Home OPINION IMPEACHMENT, INC AT SI PBBM

IMPEACHMENT, INC AT SI PBBM

NAGKAKAGULO ang nasa gobyerno ukol sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Nangangapa ang buong bayan sa mga aksyon ng mga nasa Kamara o House of Representatives.

Naririyan na ang tatlong complaint na nakasalang ngunit hindi inaaksyunan.

Naghihintay sila ng pang-4 umanong complaint na ieendorso ng nasa 103 na kongresman at kaagad itong ipadadala sa Senado para litisin na si Inday Sara.

Kapag wala umanong pang-4, doon na lang isasalang ang isa tatlong complaint sa debate sa Kamara bago maipadala sa Senado kung maaaprubahan.

Mabilis umano ang pang-4 na kaso pero mabagal ang pagtalakay at pagdedesisyon sa tatlong complaint.

MGA HARANG

Kung sisilipin ang mga balita ukol sa impeachment at koneksyon nito sa ibang mga pangyayari, tila may mga harang.

Una, pinanatili mismo hanggang sa mga araw na ito ni Pangulong Bongbong Marcos ang paninindigan nitong hindi pabor sa impeachment.

Sa halip, iginiit nito ang pagkakaisa at pagtutulungan sa pagharap sa mga seryosong problema ng Pilipinas, kasama na ang pagtatanggol ng karapatan ng bansa sa West Philippine Sea at paghihirap ng higit na nararaming mamamayan.

Babalewalain ba ng mga kongresman ang paninindigan ni PBBM?

Ikalawa, nagkaroon ng malaking epekto sa pagsulong ng impeachment ang prayer rally for unity and peace ng 1.8 milyong miyembro ng Iglesia ni Cristo o INC sa buong bansa nitong Enero 13, 2025.

Sinasabi ng INC na wala itong kinikilingan sa mga nagbabangayan sa pamahalan ukol sa impeachment subalit sinusuportahan nito ang pahayag ni PBBM na sagabal lang ang impeachment sa mga pagkilos ng gobyerno tungo sa mas mabuting kalagayan mula sa sari-saring malalaking problema ng bansa.

Subalit naging kapuna-puna ang ibang tingin dito ng ilang senador na aaktong mga huwes sakaling magtagumpay na iakyat ng mga kongresman ang kaso sa Senado.

Tingin ng ilang senador, mabigat ang mensaheng unity and peace rally at kasama rito ang pagtatag ng paninindigan ni PBBM laban sa impeachment at magtulak sa kanila at mga kongresman na mag-isip kung ipagpatuloy nila ang impeachment.

Ikatlo, nagsimula na nitong Enero 12, 2024 ang election period na limang buwan na nagtulak sa mga reeleksyonistang kongresman at senador na mag-asikaso kanilang kampanya.

At mula Enero 13 hanggang Pebrero 7 lang ang sesyon at magsimula sa Pebrero 8, 2025, wala nang sesyon ang Kongreso hanggang Hunyo 1, 2025 dahil magkokonsetreyt na ang mga reeleksyonista ng kanilang kampanya para sa halalang Mayo 12, 2025.

Ngayon, mahaharap pa ba ng mga reeleksyonista na kongresman at senador na asikasuhin ang impeachment?

IMPEACHMENT WALA SA LISTAHAN NG MGA PROBLEMA

Kung pupunta ka sa mga barangay, mga Bro, maririnig mo silang higit na gusto ng mga mamamayan na asiksuhin ng gobyerno ang sobrang mahal nang presyo ng mga bilihin, kasama ang bigas at ulam, mabababang sahod, maraming tambay o kulang na hanapbuhay, sobrang pamiminsala ng kalikasan sa tag-ulan at tag-araw, korapsyon sa gobyerno, tumitinding paglaganap ng droga at krimen at iba pa.

Wala sa listahan nila ang impeachment bilang malaking problema.

Anong sey n’yo, mga Bro?