Home OPINION GOBYERNO WALANG NAKIKILALANG PASIMUNO NG MAHAL NA BIGAS

GOBYERNO WALANG NAKIKILALANG PASIMUNO NG MAHAL NA BIGAS

BAGO mag-Pasko, heto ang mga presyo ng bigas.

Para sa lokal na regular milled rice: Oktubre – 2024, P50.16 kada kilo; Nobyembre – P49.44-P 50.16 kada kilo

Sa well milled rice: Unang linggo ng Disyembre 2024 – PhP 54.71 at kalagitnaan ng Disyembre – P54.97 kada kilo.

Para sa imported rice, nasa P40-54 kada kilo mula sa bultuhang presyo na P37-38 kada kilo noong Nobyembre, pero ngayon, nasa P60 pataas kada kilo.

Ngayon, pinupwersa ng gobyerno ang imported rice na bumaba sa halagang P58 simula sa Enero 2025 ngunit hindi kakantiin mga lokal na bigas dahil mas mababa ang presyo ng mga ito.

Ibinaba ng gobyerno ang taripa o buwis sa importasyon ng bigas sa 15 porsyento mula sa 35 porsyento simula noong Hulyo 2024 sa pag-asang bababa ang presyo ng imported rice ng nasa P5-6 kada kilo.

Pero hindi nangyari iyon at nanatiling mahal ang imported rice at tanging ang mga rice importer o rice cartel na rin ang nakinabang.

Isa pa, hindi na nga nakinabang ang tumbayan, nalugi pati ang pamahalaan sa taripa.

Nilayon din ng pagbaba ng taripa na hatakin pababa ang presyo ng lokal na bigas at hindi rin nangyari ito.

Para mapwersa pa rin mismo ang mga retailer at importer na ibaba ang presyo ng bigas, pinalalawak ang mga kadiwa store bilang kakumpitensya nila at nagtitinda ng nasa P42 kada kilo.

Pero suntok sa araw at buwan ito dahil kakaunti lang naman ang kadiwa store at pakilo-kilo lang ang benta ng mga ito.

Inuubos ng pamasahe o mahal na gasolina ng mga mamamayan ang dapat nilang pakinabang sa P42 kada kilo ang pagbalik-balik nila sa Kadiwa Store.

Ito ang pinakamisteryoso sa lahat sa problema sa mahal na bigas: Walang nakikilala hanggang ngayon ang pamahalaan na mapagsamantalang rice importer at rice cartel na siyang pasimuno ng mahal na bigas.

Bakit kaya?