Home OPINION MARAMING SALAMAT IGLESIA NI CRISTO

MARAMING SALAMAT IGLESIA NI CRISTO

NAGING matagumpay ang isinagawang “Peace Rally” ng Iglesia Ni Cristo kamakalawa sa makasaysayang Quirino Grandstand Stand sa Luneta Park, Maynila.

Ang rally ay naghatid sa atin ng mensahe na kailangang bigyang halaga ng mga Pilipino ang pambansang kapayapaan, pambansang pagkakaisa, imbes na polarisasyon sa pulitika, pagkabaha-bahagi at destabilisasyon.

Kapag ang isang grupo na kasing laki at kasing impluwensya ng INC ay nananawagan ng kapayapaan, ito ay may dahilan upang tayo ay mabahala.

Ikinabahala ng INC na sa mga nakaraan, winawasak na ng away sa pulitika ang ating bansa na nagiging malaking salot sa kapayapaan at katatagan ng ekonomiya. Hindi ninyo ba napapansin na may iilang grupo lang na natutuwa sa kaguluhang nangyayari sa ating bansa?

Ang mga kritiko o mga taong wala nang mabuting sinabi sa gobyerno–ang mga makakaliwa, katulong ang mga dilawan ang sila pa ngayong nangunguna sa pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte. Aba’y kung magtagumpay sila na maipa-Impeach si VP Sara, sino kaya ang kanilang isusunod? Hindi sila titigil. Malamang na ang isunod nila ay si Bongbong Marcos? Nakatatawa hindi ba?

Nakalulungkot lang na ang “Peace Rally” ng INC ay itinuturing ng ilan na pagsisikap ng sekta na pigilan ang impeachment kay VP Sara. Sinisira nila ang magandang layunin ng INC para huwag magdusa sa kahirapan ang ating bansa.

Ipagpalagay nating totoo nga, ano kaya ang mangyayari kung mapatalsik ang bise-presidente? ‘Di ba’t maaapektuhan nito ang kapayapaan sa bansa? Pagkakahati-hati lang ang idudulot nito.

Kanya nga dahil sa kaguluhan sa pulitika, gusto nang humiwalay ng Mindanao sa mapa ng Pilipinas.

Maraming taga-Mindanao ang nagagalit sa pagsisikap na ginagawa ng Kongreso na patalsikin sa poder si Sara Duterte, na isang taga-Mindanao. Pagkatapos ni Pangulong Digong, si VP Sara lang ang inaasahan ng nakararaming taga-Mindanao upang sila ay makapantay sa Luzon pagdating sa bargaining power sa pulitika at badyet.

Kung ma-impeach si VP Sara, ang patuloy lang na liligaya at mananagana ay ang mga buwayang politiko sa Kongreso.

Hindi na kailangang tayo ay maging henyo para hindi malaman na sabik na sabik ang “sindikato” sa Kamara na patalsikin sa poder si VP Sara.

Ang tanging nais nila ay magwagi ang kanilang manok sa 2028 Presidential elections para tuloy ang kanilang saya, parti-partihan at “take home” na papremyo mula sa pondo o buwis ng taumbayan.

Kaya tayo ay lubos na nagpapasalamat sa IGLESIA NI CRISTO sapagkat nananatili silang mulat at hindi natutulog hinggil sa nangyayari sa ating lipunan at gobyerno.