MANILA, Philippines – Apat sa 10 Filipinos o 41% ang sumusuporta sa impeachment o pag-aalis kay Vice President Sara Duterte sa pwesto nito, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS).
Ang naturang survey ay isinagawa sa pagitan ng Disyembre 12 hanggang Disyembre 18, 2024 at kinomisyon ng advisory at consultancy group na Stratbase.
Nakita rito na 35% naman ang tutol sa impeachment ni Duterte habang 19% ang undecided.
Sa ngayon ay mayroong tatlong impeachment complaints ang inihain ng iba’t ibang grupo at inendorso ng anim na miyembro ng Kamara laban kay Duterte.
Ang pinakamataas na percentage ng mga pabor sa impeachment ni Duterte ay naitala sa Balance Luzon sa 50%, sinundan ng National Capital Region sa 45%, habang 40% ng respondents sa Visayas ang pabor na alisin si Duterte bilang Bise Presidente.
Naitala naman ang pinakamababang bilang sa balwarte ni Duterte, ang Mindanao, kung saan 22% lamang ang pabor sa impeachment nito.
Sa socio-economic classes, pinakamataas na sumusuporta sa impeachment ni Duterte ay mula sa ABC bracket sa 50%.
Habang naitala naman ang 41% na suporta sa impeachment ni Duterte sa Class D, at 37% sa Class E.
Pangunahing dahilan sa impeachment ni Duterte ay ang bigo nitong pagpapaliwanag kung saan ginastos ang confidential at intelligence fund ng Office of the Vice President at Department of Education.
Kabilang din sa mga dahilan ay ang bigo nitong pagsagot sa imbestigasyon sa paggamit ng confidential and intelligence funds (36%), Ill-gotten wealth na dapat ay naipaliwanag ng kanyang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (25%), banta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at Speaker Martin Romualdez (24%), kaugnayan sa extrajudicial killings nang Mayor pa ito ng Davao City (23%), at bigong pagkondena sa agresibong aksyon ng China sa West Philippine Sea (13%).
Dahilan din kung bakit sumusuporta ang mga Filipino sa impeachment ni Duterte ay ang kakulangan nito ng self-control sa (12%), pagbiyahe sa Germany sa pananalasa ng Bagyong Carina (11%), at pag-uutos sa mga subordinates na ihanda ang accomplishment reports sa distribusyon ng confidential at intelligence funds, na sinuportahan ng fabricated receipts at documents (11%).
Ang SWS poll ay mayroong 2,160 respondents sa margin of error na ±2. RNT/JGC