MANILA, Philippines – Nananatiling bibliya ang pinagmumulan ng mga makatotohanang balita sa mundo, ayon ito sa opisyal ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines.
Ayon kay CBCP President, Kalookan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David, pinakamabisang paraan ang pagbabasa ng bibliya upang labanan ang laganap na fake news sa lipunan lalo na ngayong digital age.
Ang mensahe ng opisyal ay kaugnay sa pagdiriwang ng National Bible Month ngayong Enero kung saan nakatuon ang tema sa ‘God’s Word: Source of HOPE (Harmony, Obedience, Peace, Empowerment)’ na nababatay sa Jubilee Year ng simbahan na ‘Pilgrims of Hope’.
Upang maiwasang mabiktima ng disinformation at misinformation partikular sa ibat-ibang online platforms, mahalagang mahubog ang kamalayan ng kristiyanong pamayanan sa mga Salita ng Diyos lalo’t mayorya sa mga Pilipino o katumbas sa mahigit 80 milyon ang aktibo sa internet.
Binigyang-diin ni Cardinal David na ang mga salita ng Diyos na nakalimbag sa bibliya ang pinagmumulan ng pag-asa lalo na sa mga pinanghihinaan at nahaharap sa mga pasubok ng buhay.
Pamumunuan ng CBCP Episcopal Commission on Biblical Apostolate ang mga pagdiriwang sa buong buwan kabilang na ang mga bible enthronement sa mga diyosesis sa bansa.
Inaanyayahan ni Cardinal David ang mananampalataya na makiisa sa National Bible Month upang mapaigting ang pakikibahagi sa misyon na magpapalago sa pananampalataya at magpapatatag sa simbahan.
Ipagdiriwang ng simbahan ang National Bible Week sa Enero 21 hanggang 26 kung saan ssa huling petsa ang Sunday of the Word of God o National Bible Sunday habang Enero 27 naman o huling Lunes ng buwan ang National Bible Day.
Matatandaang 2017, sa bisa ng Presidential Proclamation 124, idineklara ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang buong buwan ng Enero na National Bible Month bilang pagkilala sa Kristiyanong pananampalataya ng mga Pilipino.
Disyembre 2018 naman ng lagdaan ng punong ehekutibo ang Republic Act 11163-ang huling Lunes sa buwan ng Enero bilang National Bible Day. Jocelyn Tabangcura-Domenden