MANILA, Philippines- Hindi itinutulak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.
Sa press briefing sa Malakanyang, tinanong si Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro kung kumpiyansa ang administrasyon na maitutulak ang impeachment trial ni VP Sara Vice bunsod na rin ng papasok na komposisyon ng Senado matapos ang 2025 midterm polls.
”Wala pong anumang balita patungkol sa pag-pursue ng Pangulo sa impeachment o sa impeachment trial ni VP Sara so iyan po ay ating tinututulan at pinasisinungalingan po,” ang sinabi ni Castro.
“Wala pong sinasabing anumang pagkumpiyansa na para mapatalsik o matanggal sa puwesto ang Bise Presidente,’dagdag niya.
Nauna rito, sinabi ni VP Sara na nakahanda siya sa anumang magiging hatol sa Senate impeachment trial, na pansamantalang itinakda sa Hulyo.
Matatandaang sinampahan ng impeachment complaint si VP Sara noong Pebrero ng Kamara sa gitna ng lumalaking hidwaan sa pagitan ng pamilya Duterte sa pamilyang Marcos at mga dati niyang kaalyado.
Handa aniya siya sa anumang kalalabasan ng impeachment trial sa Senado na magdedetermina ng kanyang ‘political future.’
Maliban sa maaalis sa tanggapan, isang guilty verdict ng senator-judges ang tinitingnan para permanente siyang pagbawalan sa pampublikong tanggapan.
Sina Pangulong Marcos at VP Sara ay runningmates sa Eleksyon 2022 subalit hindi nagtagal ay umasim ang kanilang relasyon. Kris Jose