MANILA, Philippines- Pormal nang inihayag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na wala pang opisyal na komunikasyon na ipinadadala ng Kamara sa Senado hinggil sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa panayam, walang maibigay ng komento si Escudero sa kalagayan ng impeachment complaint na nakatakda nang ipadala ng tanggapan ni House Speaker Martin Romualdez sa Senado base sa pahayag ni House Secretary General Reginald Velasco.
“Ayoko magkomentaryo sa haka-haka. Hintayin ko dumating sa amin kung darating sa amin. Magkokomentaryo ako pag nasa amin na. Pero habang wala pa, hindi para sa amin na komentaryuhan pa yan,” ayon kay Escudero.
Sinabi pa ni Escudero na wala pang komunikasyon ang Kamara sa Senado hinggil dito. “Wala,” aniya.
Sinabi pa ng lider ng Senado na hindi nito pangungunahan ang anumang pagkilos sa posibilidad ng pagdinig hinggil sa impeachment complaints kapag na-adjourn ang Kamara.
Nakatakdang mag-adjourn ang Kongreso ng ilang linggo na magsisimula sa Pebrero 7 upang bigyang-daan ang campaign period at pagsasagawa ng May 2025 midterm polls. Kailangang iendorso ng 103 miyembro ng Kamara ang impeachment complaint laban kay Duterte na isusumite naman patungong Senado na kikilos bilang impeachment court.
Kapag nangyari ito, hindi na kailangan pang magsawa ang House Committee on Justice ng pagdinig sa impeachment complaints.
Nakahain ngayon sa Kamara ang tatlong impeachment complaints, na magkakaugnay hinggil sa umano’y maanomalyang paggamit ng confidential funds ni Duterte na kabilang angP125 milyon na ginastos umano sa loob ng 11 araw. Ernie Reyes