Home HOME BANNER STORY Implementasyon ng NCAP ibabalik sa Mayo 26, 2025 – MMDA

Implementasyon ng NCAP ibabalik sa Mayo 26, 2025 – MMDA

161
0

MANILA, Philippines – Magbabalik na ang implementasyon ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa Lunes, Mayo 26, 2025.

Ang pahayag na ito ni MMDA chairperson Romando Artes ay isang araw matapos ang bahagyang pag-aalis ng Korte Suprema ng temporary restraining order laban sa NCAP.

“Wala naman pong pagbabago. Dati naman na po naming ini-implement ‘yan. Na-TRO lang po,” ani Artes sa panayam ng GMA News.

“Basically, ‘yung mga violations po instead na physically na i-apprehend ng ating enforcers, ay CCTV cameras na po ang huhuli. Then, ipapadala na lang po namin ‘yung notice of violation sa registered address nila sa [Land Transportation Office],” dagdag ng opisyal.

Ani Artes, maglalagay ang MMDA ng dagdag na ilang libong mga CCTV camera.

Nagpaalala siya sa mga motorista na maaari nilang idulog ang isang paglabag sa ilalim ng NCAP sa Facebook page o website ng ahensya.

Matatandaan na bahagyang inalis ng SC ang TRO laban sa NCAP, at pinapayagan lamang ang MMDA na magpatupad ng naturang polisiya.

“If you remember, the TRO the court issued last August 2022, the TRO covers the MMDA resolution and the local city ordinances. So the TRO here is only lifted with respect to the MMDA but it still remains with respect to the LGU ordinances,” sinabi ni High Court spokesperson Atty. Camille Ting nitong Martes, Mayo 20.

“It can only be implemented by the MMDA in major thoroughfares kasi ‘yung MMDA resolution only refers to major  thoroughfares, especially C5 and EDSA,” dagdag niya.

Kasunod ito ng paghahain ng MMDA ng urgent motion para alisin ang TRO laban sa NCAP noong nakaraang linggo.

Matatandaan na noong Agosto 2022 ay nag-isyu ang SC ng TRO laban sa NCAP na ipinatutupad sa ilang lokal na pamahalaan sa Metro Manila.

Ito ay matapos na maghain ng petisyon laban sa naturang mga local ordinance ang transport groups na Kapit, Pasang Masda, Altodap, at Alliance of Concerned Transport Organizations sa NCAP sa limang lungsod. Ito ay ang Manila, Quezon City, Valenzuela, Muntinlupa, at Parañaque.

Isa sa mga aspetong inireklamo sa NCAP ay ang pagbabayad ng multa ng registered owner at hindi ng drayber ng pampubliko o pribadong sasakyan na mahuhuli.

Tinawag din ng transport groups ang naturang polisiya na unconstitutional. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here