Home NATIONWIDE Import ban sa sibuyas target palawigin ng DA

Import ban sa sibuyas target palawigin ng DA

MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Agriculture (DA)  na tinitingnan nito ang alinman sa pagpapalawig ng imports ban sa sibuyas o pagbaba ng import volume kasunod ng masaganang panahon ng ani mula Marso hanggang Abril.

Para sa unang quarter ng 2024, nagtala ang industriya ng sibuyas ng 28.58 porsiyentong pagtaas ng produksyon katumbas ng P8.098 bilyon, mas mataas sa P6.298 bilyon na output para sa parehong panahon noong nakaraang taon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa isang panayam, sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa na sasangguni sila sa Bureau of Plant Industry (BPI) para i-account ang aktwal na supply sa Mayo.

“Matandaan natin, sinabi ni Secretary (Francisco) Tiu Laurel na walang importation hanggang May, at pwedeng i-extend hanggang July, depende sa magiging performance. So this could be one way of saying na we have enough supply,” sabi ni de Mesa sa isang panayam.

Aniya, ang pagtaas ng produksiyon ay maiuugnay din sa 40 porsiyentong pagtaas ng lupang itinanim sa mga sibuyas mula 2023.

Sa Central Luzon lamang, nasa 10,388 ektarya ang produksyon ng sibuyas ngayong taon.

Nauna nang hiniling ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAFI) na mag-import ng mga sibuyas sa Mayo dahil pinalala ng El Niño phenomenon ang epekto ng armyworm infestation.

Nitong Marso, naapektuhan ng armyworm infestation ang 18 ektarya ng plantasyon ng sibuyas. Santi Celario