MANILA, Philippines – Isinusulong sa Kamara ang isang panukalang batas na tuluyang magbabawal sa pagpasok ng lahat ng uri ng solid waste mula sa ibang bansa patungo sa Pilipinas.
Sa ilalim ng House Bill No. 8747 o ang “Solid Waste Importation Ban Act of 2026” na inihain ni Rep. Nathaniel Oducado, ipagbabawal na ang pag-aangkat, paggamit, at pagproseso ng mga dayuhang basura gaya ng plastik at iba pang itinatapong materyales sa loob ng teritoryo ng bansa.
“Hindi tambakan ng basura ng mundo ang Pilipinas, sa kabila ng kabastusang ginawa ng ilang mga bansa noon.Hindi dapat gawing tapunan ng basura ng ibang bansa ang bansa natin, lalo na at may sarili na tayong problema sa basura,”ani Oducado.
Nagtatakda ang panukala ng parusang pagkabilanggo mula 12 hanggang 20 taon para sa sinumang lalabag sa importasyon ng basura.
Bukod sa kulong, ang mga dayuhang sangkot ay agad na ipapadeport habang ang mga opisyal ng gobyerno na mapatutunayang nakipagsabwatan ay tatanggalin sa serbisyo, obligasyon din ng mga lumabag na ibalik ang basura sa pinanggalingan nitong bansa sa sarili nilang gastos.
Layunin ng panukala na protektahan ang kalusugan ng mamamayan at ang kapaligiran laban sa libo-libong toneladang basura na posibleng itambak sa bansa. Gail Mendoza