Home NATIONWIDE Importation ban sa sibuyas pinalawig ng DA chief

Importation ban sa sibuyas pinalawig ng DA chief

MANILA, Philippines – Nakatakdang palawigin ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang umiiral na importation ban sa sibuyas kasabay ng pananatiling stable ng suplay ng naturang agricultural product.

Sa pagtaya ng DA, inaasahang aabot sa 89,384.99 metric tons (MT) ang projected onion harvest output mula Abril hanggang Hunyo, mas mataas sa naitalang 84,903.99 MT sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

“Ie-extend natin ‘yung ban sa onion importation. Puno ang mga cold storages sa onion producing areas. Mababa naman ang presyo sa merkado, so there’s no reason to import,” sinabi ni Laurel sa isang ambush interview nitong Lunes, Mayo 20.

Ani Laurel, ang suplay ng sibuyas ay magiging sapat hanggang Hulyo ngayong taon.

Mula nang maitalaga bilang DA chief, sinabi ni Laurel na minomonitor niya ang mga presyo ng agricultural products sa iba’t ibang pamilihan sa bansa.

“Maayos naman ang presyo ng onion ngayon e. Sa Balintawak ang latest figures ko, PHP60, PHP70 (per kilo) ang pula, ang puti PHP60. Nung pumasok ako sa DA that time mga PHP140, PHP120, so stable naman,” sinabi pa ni Laurel.

Siniguro ng DA chief na paiiralin lamang nito ang onion importation “only if needed” o kung may mamonitor na pagtaas sa mga presyo nito.

Sa pinakahuling demand survey ng Philippine Statistics Authority, gumagamit ang isang Pinoy na 2.341 kilo ng sibuyas kada taon. RNT/JGC