MANILA, Philippines – Ibinida ni Manila City Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso nitong Miyerkules, Mayo 13, ang in-city vertical housing program ng pamahalaang lungsod sa harap ng daan-daang real estate practitioners na dumalo sa ika-30 NREA-DHSUD National Convention ng National Real Estate Association.
Ayon kay Domagoso, libo-libong pamilya na ang nakinabang sa nasabing programa at tiniyak niyang magpapatuloy pa ang pagpapatayo ng mga pabahay sa lungsod.
Ikinuwento rin ng alkalde ang sarili niyang karanasan bilang dating informal settler sa Maynila. Aniya, mula sa Northern Samar ang kanyang ina na nagtrabaho bilang kasambahay sa Tondo bago nakapagtayo ng barung-barong sa Road 10 malapit sa dulo ng Roxas Boulevard.
Ayon kay Domagoso, simple lamang ang bilin sa kanya noon ng kanyang ina: “Umulan, bumagyo, magkaroon ng delubyo, may masisilungan ka.”
“Nagtanim ng talbos ng kamote, bahay ang tumubo,” ani ng alkalde habang inilalarawan ang suliranin ng informal settlers bilang isang “social perennial problem” na hindi umano bunga ng katamaran kundi ng kahirapan at sitwasyon sa buhay.
Sinabi ni Domagoso na itinayo ang mga pangunahing proyekto ng programa tulad ng Binondominium 1, Binondominium 2, at BaseCommunity sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
“We opted to take the risk on investing in our people at the height of the crisis,” ani niya.
Ang bawat unit ay may lawak na 42 square meters at may dalawang kuwarto upang magkaroon ng hiwalay na tulugan ang mga magulang at anak.
Ayon sa alkalde, sinadya umano ito upang maiwasan ang masisikip na kondisyon na nagiging sanhi ng domestic abuse at iba pang problema sa loob ng tahanan.
Aniya, ₱2,000 lamang kada buwan ang binabayaran ng mga benepisyaryo at walang transfer of ownership sa unit. Dagdag pa niya, ibinabalik nang buo sa residente ang lahat ng kanilang naihulog sakaling piliin nilang umalis at isauli ang unit.
“Habang nabubuhay ka at tinutugunan mo ’yung dalawang libo buwan-buwan sa gobyerno, walang makapagpapalaya sa’yo,” ani Domagoso.
Binigyang-diin din niya na hindi dapat pagkakitaan ng gobyerno ang mga proyektong pabahay.
“Government is not a savings bank. Government is not to make money out of projects. Projects should be considered as public service,” dagdag pa niya.
Ayon sa alkalde, nakabatay ang programa sa Housing Development Board system ng Singapore ngunit nananatiling pag-aari ng pamahalaang lungsod ang lahat ng housing units upang maiwasan ang muling pagbebenta ng mga ito at pagbabalik ng mga residente sa lansangan.
Inanunsyo rin niya na sinimulan na bago matapos ang 2025 ang groundbreaking para sa mga bagong proyekto kabilang ang San Lazaro Residences at pagpapalawak ng serye ng Binondominium, na target gawing 20-palapag na mga gusali sa tulong ng pautang mula sa Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines.
Bukod sa pabahay, binanggit din ni Domagoso ang mga proyekto ng lungsod sa sektor ng kalusugan tulad ng muling pagbubukas ng catheterization laboratory sa isang city-run hospital para sa libreng angioplasty procedures, pagpapatayo ng 10-palapag na fully air-conditioned city hospital, at planong pagtatatag ng College of Medicine ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.
“’Yung ligaya ng tao na siya’y may masisilungan,” ani Domagoso hinggil sa epekto ng programa sa mga pamilya.
Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, hinikayat ng alkalde ang mga lokal na opisyal sa buong bansa na gastusin agad ang pondo ng gobyerno para sa mga proyekto sa halip na itabi lamang ito.
“A peso spent today is better spent today than to spend the same peso tomorrow,” aniya. JAY Reyes