MANILA, Philippines – Posibleng magsagawa ng isang in-season tournament ang Philippine Basketball Association (PBA) kasabay ng golden season nito simula Oktubre.
Masasabing gaya ito ng NBA, ngunit may kasamang mga dayuhang koponan.
Kabilang sa mga nagpapakita ng interes ay ang Macau Black Bears, Hong Kong Eastern at isang Indonesian ballclub.
Gayunpaman, hindi tugma ang iskedyul ng mga ito kaya’t iminungkahi ang mini-tournament na maaaring isingit sa season.
Isinasalang-alang din ang pocket tournament kasama ang Gilas Pilipinas bilang paghahanda para sa FIBA World Cup qualifiers at 20th Asian Games sa Nagoya, Japan.
Ipinaliwanag ni Commissioner Willie Marcial na hindi pumayag ang liga na makasali ang Macau sa Philippine Cup dahil may import sila, samantalang umatras na ang Hong Kong Eastern mula sa Commissioner’s Cup habang nananatiling tahimik ang komunikasyon mula sa Indonesian ballclub na isa pang dahilan ng pagkaantala ng pinal na plano.GP