MANILA, Philippines- Hinatulan ng korte sa Quezon City ang isang ina at tatlong iba pa dahil sa pagbebenta sa kanyang walong buwang gulang na sanggol noong 2022 para mabayaran ang kanyang mga utang sa e-sabong, sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Miyerkules.
Sinabi ng NBI na napatunayang guilty ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 86 ang apat na akusado na walang duda sa qualified trafficking in person at hinatulan sila ng habambuhay na pagkakakulong.
Ipinag-utos din ng korte na magbayad ang bawat isa ng multa na P2 milyon.
Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na ang desisyon ay babala laban sa mga indibidwal na sangkot sa human trafficking, sexual exploitation at iba pang krimen laban sa kababaihan at mga bata.
Ayon sa NBI, nagpasya ang ina ng bata na ibenta ang kanyang sanggol sa pamamagitan ng isang grupo dahil kailangan niya ng pera para bayaran ang kanyang mga utang sa sabong.
Nakipagkita siya sa buyer, na kalaunan ay nalaman na middleman, sa isang fast food chain sa lungsod noong Marso 3.
Gayunman, nagbago ng pasya ang ina pagkatapos ng transaksyon at nagpadala ng mensahe sa buyer na nakikiusap na ibalik ang kanyang anak.
Idinagdag niya na ibabalik niya ang pera sa bumibili. Gayunman, sinabi ng ina na hinarang ng mamimili ang kanyang mga mensahe.
Kasunod nito, nagsagawa ng entrapment and rescue operation ang mga ahente ng Human Trafficking Division (HTRAD) na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang Pinay at isang Nigerian national sa Sta. Cruz, Laguna.
Sinabi ng NBI na ang ina at ang middleman ay naaresto noong Mayo 2022. Jocelyn Tabangcura-Domenden