Home METRO 2 todas, 2 malubha sa trike na inararo ng bus

2 todas, 2 malubha sa trike na inararo ng bus

Bulacan – Patay ang dalawang indibidwal habang malubhang nasugatan ang kasamahang lulan ng tricycle matapos aksidenteng makasalpukan ang bus sa bayan ng San Miguel.

Sa report ng San Miguel police, naganap ang insidente bandang alas-9:05 ng gabi nitong Disyembre 17 sa Cagayan Valley road, Brgy. Balite.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, binabagtas ng tricycle driver na may tatlong pasahero ang southbound lane nang aksidenteng araruhin ng kasalubong na bus na pa-northbound.

Dahil dito, nagkalasog-lasog ang tricycle na iraro ng bus na bumangga naman sa isang bakuran ng bahay habang tumilapon at bumulagta naman ang duguang driver at ang tatlong pasahero sa kalsada.

Sinasabing dead on arrival ang trike driver at ang isang pasahero habang ang dalawang kasamahan naman ay nagtamo ng malubhang pinsala sa iba’t ibang parte ng katawan na dinala ng rescue team sa San Miguel District Hospital para sa paunang lunas.

Nasa kustodiya ng San Miguel police ang driver ng bus na si Joseph Christian Catingco, 35, binata ng Brgy. Nagmisahan, Cuyapo, Nueva Ecija na nahaharap sa kaukulang kaso.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang insidente at para na rin sa pagkakakilanlan ng mga kalunos-lunos na mga biktima. Dick Mirasol III