MANILA, Philippines- Mananatili ang serbisyong ibinibigay ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mga miyembro nito sa kabila ng hayagang pagsalungat ng mga mambabatas sa panukalang budget nito para sa 2025.
“I would like to just assure everybody, huwag niyong inaalala na mababawasan ang serbisyo kahit na kanino. Para sa senior, para sa mga mahirap, para sa middle class, walang mababawasan kahit isang kusing,” ang pagtiyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Matatandaang hindi pinaglaanan ng kongreso ng subsidiya para sa susunod na taon ang PhilHealth.
Ibinahagi ito ni Senate Committee on Finance Chairperson Senator Grace Poe sa pagsasara ng Bicameral Conference Committee meeting para sa panukalang 2025 national budget.
Sa ilalim ng 2025 National Expenditure Program (NEP), P74 bilyon ang inilaan para sa government subsidy sa PhilHealth.
Ito ang inalis ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa inaprubahan nilang bicam version ng budget bill.
Ayon kay Poe, isa ang budget ng PhilHealth sa mga naging contentious issue sa bicam.
Aniya, mayroon namang P600 bilyon pang reserve fund ang PhilHealth at ito muna ang dapat na gamitin ng state health insurer.
Kaya naman napagdesisyunan aniya ng bicam na sa mga sektor na lang na wala talagang pondo ilagay ang alokasyon para sana sa subsidiya ng gobyerno.
Nilinaw naman ni Poe na mabibigyan pa rin ng operational fund ang PhilHealth.
Samantala, tiniyak ni Pangulong Marcos na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng makakaya at magagawa nito para magamit ang benepisyo ng mga Pilipino na nakukuha mula sa PhilHealth.
“Dadagdagan natin ‘yan in 2025. Mas dadami pa ang magiging serbisyo na ibinibigay ng PhilHealth. Mas lalaki pa ang magiging payment na ibibigay sa insurance claim,” ang sinabi ni Pangulong Marcos. Kris Jose