Home METRO Ina ni Jemboy nakauwi na galing Qatar para sa libing ng anak

Ina ni Jemboy nakauwi na galing Qatar para sa libing ng anak

MANILA, Philippines- Nakauwi na sa Pilipinas galing Qatar ang ina ni Jemboy Baltazar, ang 17-anyos na lalaking napatay ng mga pulis ng Navotas City dahil sa mistaken identity, nitong Biyernes.

Dumating si Rodaliza Baltazar, isang overseas Filipina worker (OFW), sa NAIA Terminal 1 bandang alas-10:35 ng umaga, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

“Senior officials of the DMW are meeting with OFW Rodaliza Baltazar at the VIP Lounge of the NAIA Terminal 1… they are finding out what other forms of assistance the department may extend to her and her family,” anang DMW sa Facebook.

Sinabi ng DMW na bibigyan nito si Rodaliza ng P100,000 financial assistance at sasagutin din ang gastos sa burol at libing ng kanyang anak.

Nitong August 2, sakay si Jemboy ng isang maliit na bangka upang mangisda nang barilin at mapatay ng mga pulis ng Navotas City sa Barangay NBBS Kaunlaran.

Sinabi ng kasama niyang kaibigan na inihahanda nila ang kanilang bangka nang utusan sila ng isang pulis na bumaba.

Tinangka umano nilang sumuko subalit nagsimula na umanong magpaputok ang mga pulis.

Dahil dito, tumalon si Baltazar sa tubig.

Sinabi ng ilan sa anim na pulis sa kanilang salaysay na nagpaputok lamang sila ng baril sa tubig at hindi nila intensyong tamaan ang binatilyo.

Nangako ang Philippine National Police (PNP) na walang “whitewash” sa imbestigasyon.

Ipinag-utos naman ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa PNP na busisiin ang operational procedures nito matapos ang insidente.

Sumailalim na ang mga sangkot na pulis sa inquest proceedings sa reklamo ng reckless imprudence resulting in homicide.

Nahaharap din sila sa administrative charges para sa grave misconduct at serious irregularity in the performance of duty at sinibak na sa pwesto.

Kasalukuyang nakaditene ang mga pulis sa Navotas Police Headquarters. RNT/SA