Home NATIONWIDE INAGURASYON NG BACOOR CITY SHC, PINANGUNAHAN NI SEN. GO

INAGURASYON NG BACOOR CITY SHC, PINANGUNAHAN NI SEN. GO

MANILA, Philippines – Patuloy si Senator Christopher “Bong” Go, tagapangulo ng Senate committee on health and demography, sa pagde-deliver ng accessible healthcare sa bawat Filipino matapos niyang daluhan ang blessing at inagurasyon ng Super Health Center sa Bacoor City, Cavite nitong Huwebes.

Ang event ay kasabay ng 13th Cityhood Anniversary ng lungsod.

“Happy 13th Cityhood Anniversary. Natutuwa po ako na makabalik muli dito sa Bacoor City,” sabi ni Go. “Kanina galing po ako ng Batangas sa pagbubukas ng ospital doon at ngayon naman ay sa Super Health Center. Aking paniniwala at adbokasiya na ‘health is wealth.’ Ang kalusugan ay katumbas ng bawat buhay ng bawat Pilipino.”

Nagpasalamat si Go sa tiwala at patuloy na suporta sa kanya ng mamamayan ng Bacoor City.

“Huwag po kayong magpasalamat sa akin. Sa totoo lang, ako po ang dapat magpasalamat sa inyo dahil binigyan niyo po ako ng pagkakataon na makapagserbisyo. Malapit po sa puso ko ang mga taga Bacoor, dahil ang seatmate ko sa Senado, aking katukayo, si Senator Bong Revilla.”

Ang Super Health Center ay isang medium-type polyclinic na idinesenyo para makapagbigay ng accessible at comprehensive primary care sa underserved communities.

Sinabi ni Senator Go na ang konstruksyon ng mga Super Health Centers ay resulta ng pagtutulong-tulong ng Department of Health (DOH) sa ilalim ni Secretary Teodoro Herbosa, local government units, at mga kasama niyang mambabatas.

Sa ngayon, mahigit 700 Super Health Centers ang napondohan para maitayo sa iba’t ibang panig ng bansa, ang 20 ay matatagpuan sa Cavite lamang.

Bilang adopted son ng CALABARZON region, kinilala at pinuri ni Go ang mga lokal na lider na tumulong para maisakatuparan ang proyekto, kinabibilangan nina Congresswoman Lani Mercado Revilla, Agimat Party-list Representative Bryan Revilla, Cavite Board Member Alde Pagulayan, Mayor Strike Revilla, Vice Mayor Rowena Mendiola, at ang city
councilors.

“Ito ay isang patunay na prayoridad ng ating lungsod ang kalusugan. This is where your taxes go. Ito po ay tulong para mabawasan ang ating mga pasyente sa Southern Tagalog Medical Center. Nagpapasalamat po ako kay Senator Bong Go, ang head ng Senate Committee on Health,” ang sabi ni Congresswoman Lani.

Sinundan naman ito ni Board Member Pagulayan na nagsabing “Health is the foundation to build resilient communities and ensure every individual has the opportunity to thrive and be well. Investing in health is not merely a cost, it is an investment for our future.”

“Ako po ay naging bahagi ng makasaysayang araw na ito—ang pagbubukas ng Super Health Center na ito. Kakaiba po ito sa mga nakasanayan nating health centers. Level-up po ang serbisyo dito, para po sa inyo ‘yan,” idinagdag ni Vice Mayor Mendiola.

Bahagi ng inisyatiba ni Go ang Super Health Center na maisulong ang inklusibo at episyenteng healthcare system.

Bukod dito, siya rin ang principal author at sponsor ng Republic Act No. 11463 o ang Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalized sa Malasakit Center na ngayo’y may 167 nakakalat sa buong Pilipinas. RNT