Home NATIONWIDE 9 indibidwal laglag sa NBI sa carnapping at syndicated estafa

9 indibidwal laglag sa NBI sa carnapping at syndicated estafa

TIMBOG ang siyam (9) na suspek, na kinabibilangan ng 3 Filipino at 6 Indian national na sangkot sa carnapping at syndicated estafa sa National Bureau of Investigation (NBI) Headquarters sa Pasay. CESAR MORALES

MANILA, Philippines – Iniharap ng National Bureau of Investigation (NBI) ang siyam na indibidwal kabilang ang anim na Indian nationals na naaresto sa Paranaque City sa isang entrapment operation.

Sa press conference, kinilala ni NBI Director Judge Jaime Santiago ang tatlong Filipino na sina Teotima G. Batutay, Rose L. Torion at Michael D. Castulo at anim na Indian nationals na sina Sajjan Sarkar, Sai Charan, Kulvatnh Thati, Gayatri Sarma, Rat Anand at Nithin Kamepalli.

Sila ay naaresto dahil sa carnapping at syndicated estafa.

Nag-ugat ang operasyon mula sa reklamo na inihain laban sa mga suspek para marekober ang sasakyan ng complainant na ibinenta ng mga suspek na walang paalam.

Ibinunyag ng complainant na nabigo siyang magbayad ng monthly amortization sa sasakyan ng suspek sa PSBank kaya inialok nito para sa ‘pasalo’ kung saan nagpasalin-salin ang sasakyan sa mga suspek.

Hinabol ng bangko ang complainant dahil hindi na ito nakakapagbayad ngunit hindi nito naibalik ang sasakyan.

Dito kinausap ng complainant si Castulo para maibalik ang sasakyan ngunit siya ay hinihingan ng P450,000.

Bukod dito, binantaan ni Castulo ang complainant na ang kanyang sasakyan ay nachop-chop na dahilan para magpasaklolo ito sa NBI-NCR.

Ikinasa ang entrapment operation nang magkasundo ang complainant at si Castulo na magkita sa Casino Hotel sa Paranaque para sa hinihinging halaga.

Dito na inaresto ng mga ahente ng NBI-NCR ang mga suspek na mga miyembro ng sindikato na sangkot sa ‘assume balance-talon’ scheme.

Narekober din sa operasyon ang sasakyan ng complainant. Jocelyn Tabangcura-Domenden