MANILA, Philippines – PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang inagurasyon ng Rice Processing System (RPS) II Facility at pag-turnover ng farm machinery sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija.
Layon ng state-of-the-art facility na palakasin ang ‘productivity, profitability, at global competitiveness’ ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagpapalawak sa access sa modern production at post-production mechanization technologies.
Tampok sa RPS II Facility ang multi-stage rice mill na may processing capacity ng dalawa hanggang tatlong tonelada kada oras at at nilagyan ng mga sangkap o bahagi gaya ng ‘pre-cleaner, de-stoner, huller, at isang air-conditioned control room, bukod sa iba pa.
Kabilang din dito ang dalawang stainless steel recirculating dryers, na may kakayahang hawakan ang 12 tonelada kada batch, kasama ng generator set, tools, at iba pang mahahalagang accessories.
Inaasahan naman na mapakikinabangan ng 6,000 magsasaka ang pasilidad kung saan lilinangin ang 9,200 ektarya sa buong Science City of Muñoz.
Samantala, pinangunahan din ni Pangulong Marcos ang pamamahagi ng karagdagang farm machinery sa 17 kooperatiba at asosasyon ng mga magsasaka.
Kabilang sa mga kagamitan ang one four-wheel tractor na may kompletong mga gamit, 16 rice combine harvesters, at isang handy cultivator. Kris Jose