MANILA, Philippines – PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang inagurasyon ng Valor Access to Lifetime Optimized Health Care Program (Valor) Clinic sa Lipa, Batangas.
Ang nasabing pasilidad ay matatagpuan sa Fernando Air Base.
Kasama ng Pangulo na bumisita sa naturang lugar si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.
Ang Valor Clinic ay isang proyekto na pinasimulan ng Veterans Memorial Medical Center para palawigin ang serbisyo nito sa iba’t ibang lugar sa bansa kabilang na ang nasa labas ng National Capital Region (NCR).
Sa pamamagitan ng inisyatibang ito, mas maraming mga beterano at dependents ang magagawang makapag-avail ng medical services na ‘deserve’ ng mga ito.
Mapaluluwag din nito ang bilang ng mga pasyente na nakikta sa kanilang pangunahing ospital.
Sa kabilang dako, ang medical facility ay magbibigay ng out-patient based services na pangangasiwaan ng mga tauhan at staff ng VMMC.
Mag-aalok ito ng basic consultation, diagnostic examinations, at maging pharmacy services.
Tampok naman sa pasilidad ang patient waiting area, outpatient consultation rooms, pharmacy unit, blood extraction area, staff pantry at support area, at dedicated teleconsultation facility. Kris Jose