MANILA, Philippines – Maaaring maharap sa hanggang 9 na taong pagkakakulong ang isang ina na umano’y nagbenta ng kanyang anak sa internet, ayon sa Department of Justice (DOJ) nitong Huwebes.
Sa pahayag ng DOJ, kinilala ng Regional Trial Court (RTC) Branch 94 sa Quezon City ang akusadong ina na nagkasala sa paglabag sa Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination.
Batay sa desisyon na inilabas noong Martes, kinumpirma ng korte ang boluntaryong guilty plea ng akusado sa mas mababang kaso, at ipinataw ang parusang mula 4 taon at 9 na buwan at 11 araw ng prision correccional hanggang 6 na taon, 8 buwan at 1 araw ng prision mayor.
Inatasan din siyang magbayad ng multa na ₱15,000.
“The court further directed the accused to pay damages to the victim, amounting to P20,000 each for moral, exemplary, and temperate damages, all of which shall earn interest at 6 percent per annum until fully paid,” ayon sa DOJ.
Pinalawig pa ng korte ang kabayaran ng danyos habang patuloy na magbabayad ng interes hanggang sa ganap itong mabayaran.
Sinabi ng DOJ na patuloy nitong isusulong ang proteksyon sa mga bata laban sa anumang uri ng pang-aabuso at exploitation.
Wala pang karagdagang detalye tungkol sa kaso, at hindi rin isiniwalat ang pagkakakilanlan ng ina at ang edad ng bata.
Nauna nang binigyang-diin ng DOJ ang pangangailangan ng mas mahigpit na hakbang laban sa online sexual abuse at exploitation of children (OSAEC), na kabilang sa mga prayoridad na panukala para sa pagpapalakas ng batas sa ilalim ng LEDAC agenda. RNT/MND