MANILA, Philippines – Bilang pagpapakita ng accountability, hinamon ni Deputy Speaker at La Union Rep Paolo Ortega si Vice President Sara Duterte na ibalik sa kaban ng bayan ang P73.287 million confidential expenses na dinis-allow ng Commission on Audit (COA).
“Kung talagang nais ni VP Sara na ipakita ang kanyang accountability bilang public servant, mas mabuting isauli na lang ang pondong ipinapabalik ng COA. Dapat siyang managot sa pera ng bayan na ipinagkatiwala sa kanya at kilalanin kung saan nagkulang sa proseso,” pahayag ni Ortega.
Matatatandaan na sa impeachment hearing ng House Committee on Justice kamakailan y kinumpirma ng COA na kanilang ibinasura ang motion for reconsideration ni Duterte, sa oras na maging pinal ang desisyon ay kailangang ibalik ni Duterte ang nasabing halaga na bahagi ng confidential fund ng Office of the Vice President mula Disyembre 21 hanggang 31, 2022.
Sa nasabing halaga ay P69.787 million ang ginasta sa pagbibigay ng rewards habang P3.5 million ay sa pagbili ng tables, chairs, computers at printers.
Giit ni Ortega, hindi barya lang ang nasabing halaga.
“Kapag may disallowance na at in-affirm pa ng COA, malinaw na may kakulangan na hindi naipaliwanag.Mas mataas ang standard sa confidential funds dahil mas mataas ang tiwala ng bayan sa humahawak nito. Kaya mas makabubuti na sumunod sa utos ng COA at ituwid kung ano ang dapat ituwid,” ani Ortega.
Idinagdag pa ni Ortega na noong una, ikalawa at ikatlong quarter ng 2023 ay nasa P375 million pa ng confidential funds ang kinukuwestiyon ng COA sa OVP. Gail Mendoza