Home HOME BANNER STORY Inang nagbenta sa sanggol sa Facebook arestado

Inang nagbenta sa sanggol sa Facebook arestado

MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang dalawang indibidwal na sangkot sa pagbibenta umano ng 8-araw na sanggol online sa Dasmariñas, Cavite.

Inaresto ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Philippine National Police (PNP) Women and Children Protection Center sa entrapment operation sa simbahan sa Cavite ang ina at broker nito na nagbenta umano sa sanggol sa halagang P90,000.

“They were arrested, detained in camp crame, and they were inquested,” sinabi ni PCol. Renato Mercado ng PNP Women and Children Protection Center.

Nagpahayag ng pagkaalarma si DSWD Secretary Rex Gatchalian dahil nakakamonitor sila ng mga “unauthorized adoptions” sa pamamagitan ng Facebook marketplace, kung saan ipinopost lamang ng mga magulang ang kanilang mga sanggol online para sa adoption.

May mga magulang din umanong naghahanap ng mga bata na maaampon sa pamamagitan ng social media.

Ani Gatchalian, ang pagpapaampon sa labas ng panuntunan ng National Authority for Child Care ay maituturing na krimen.

Sa ngayon ay may nasa 20 hanggang 40 social media page kung saan nagkakaroon ng palitan ng mga sanggol.

“Worrisome sya kasi lumalaganap, it’s a cruel form of child exploitation,” ani Gatchalian sa isang briefing.

“Hindi rason ang kahirapan na ibenta nyo ang inyong mga anak, common sense at basic moral yun,” dagdag pa niya.

Ani DSWD Undersecretary Janella Estrada, ginawa nilang mas madali ang proseso ng pag-aampon at mas mura.

Aniya, pinaikli ng pamahalaan ang proseso ng legal adoption sa anim hanggang siyam na buwan, sa mas mabilis na matching processes at pinasimpleng mga requirement.

“DSWD will prosecute to the fullest extend of the law those found to be engaging in unsanctioned adoptions over social media platforms,” ani Gatchalian. RNT/JGC