MANILA, Philippines – Nagpositibo sa isinagawang gunpowder test ang inarestong volunteer ng National Bureau of Investigation (NBI) na di-umano’y sangkot sa insidente ng pamamaril sa gusali ng Senado nitong nakaraang linggo.
Ito ay napag-alaman Linggo ng gabi sa isang mensahe ni Southern Police District (SPD) Public Information Office (PIO) chief P/Lt. Margaret Panaga.
Sinabi ni Panaga na base sa resulta ng gunpowder test ay nagpositibo ang suspek na si Mel Oragon, 44, na inaresto at isinailalim sa inquest proceedings dahil sa mga kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, alarm and scandal, direct assault, trespass to property, at violation of Senate security.
Matatandaan na nagkaroon ng putukan sa loob ng gusali ng Senado bandang alas 7:50 ng gabi nitong nakaraang Miyerkules (Mayo 13) habang ipinatutupad ang lockdown na nagdulot ng alarma at takot sa mga taong nasa loob ng nabanggit na gusali ng mga oras na iyon.
Base sa inisyal na imbestigasyon, armado di-umano ang suspek ng di pa tiyak na kalibre ng baril kung saan nagpaputok ito ng ilang beses sa gusali ng Senado na naghasik ng takot sa mga taong nasa loob ng GSIS Compound.
Nangyari ang di-umanoý kaguluhan dalawang araw makaraang lumutang si Senator Ronald “Bato” Rosa, na halos anim na buwang hindi nagpakita sa Senado, para makaboto sa pagpapalit ng liderato ng Senado na kinalaunan ay napagkalooban din ng Senate protective custody.
Ayon naman sa asawa ng suspek at ng kanyang abogado, driver lamang ito ng isang operatiba ng NBI at hindi regular na empleyado ng naturang ahensya. (James I. Catapusan)