Home OPINION MATINDING AGAWAN SA KAPANGYARIHAN

MATINDING AGAWAN SA KAPANGYARIHAN

90
0

TUWING panahon ng halalan, kitang-kita ang matinding agawan sa kapangyarihan.

Upang may magtagumpay sa agawan sa kapangyarihan, may nagsisiraan, may nagbabalimbingan, may nagpapatayan at iba pa.

May nagsisinugaling, may nagsasabi ng katotohanan at may naglalalaro sa kasinungalinan at katotohanan at marami pang iba.

Mayron ding gumagamit ng sariling kapangyarihan o sumasandal sa mga nasa poder.

SA SENADO

Parang nagaganap Senado ngayon ang lahat na naoobserbahan natin sa panahon ng halalan gaya ng nasa itaas.

May agawan din sa kapangyarihan at dinaraan ito sa pagbubuo o pagbasag ng mayorya o pagbaligtad ng lahat o karamihan ng nasa minorya tungo sa mayorya.

Anong meron sa mayorya at minorya at nakatuon ang mata nila sa pagbuo ng mayorya o pagbasag nito?

At pagkatapos nito, susunod ang pagluluklok ng Senate President at paghawak ng mga pinakahahalagang posisyon at komite gaya ng President pro tempore, Majority Leader, Senate Blue Ribbon committee chairman at iba pa.

Ang sabi ng iba, mga Bro, ang pagtagumpay o pagkatalo ni Vice President Sara Duterte sa impeachment ang pinakaugat ng lahat.

Kung sino ang makahahawak ng mayorya, siya ang magtitiyak ng pagwawagi o pagkatalo ni VP Sara sa hatulan makaraan ang paglilitis sa impeachment.

Para naman sa iba, kahit minorya ang pabor kay VP Sara, wala ring nakatitiyak na talo na ito dahil walang nakatitiyak sa kaisipan ng bawat senador sa mayorya.

Mahirap pa umanong maabot ng mayorya ang botong 16 para ma-convict o maideklarang talo sa impeachment si VP Sara.

IMEACHMENT AT HALALANG 2028

Kung pagmasdan ang paligid, mga Bro, naririyan na ang pulitikang 2028.

Nagkokontesan na ang mga survey group ukol sa mga posibleng kandidatong Pangulo sa halalang presidensyal sa 2028.

May kanya-kanyang pa-survey kung sino-sino ang pinakamalakas na posibleng manalo, mga nagtatabla sa iskor o rating, mga mananalo at matatalo.

Meron na ring nagdeklara gaya mismo ni VP Sara na kanyang ginawa nito pang nakaraang Pebrero.

May mga nagpapahaging naman kahit pinakakulelat sa mga surbey.

May malalakas naman ngunit umaayaw na kahit ngayon pa lang.

At ang hindi maitatangging katotohanan ay ang koneksyon ng impeachment ni VP Sara at ang halalang 2028.

Ano ba meron kung mananalo o matatalo sa impeachment si VP Sara?

May kanya-kanyang palagay at paninindigan ang mga politikong nag-aagawan ng kapangyarihan dito.

May nagsasabing kung babagsak sa impeachment si VP Sara, ang mga nakasakay sa kanyang bangka ay maaaring lulubog din sa presidential election sa 2028.

Ngunit kung magtatagumpay siya, ngayon pa lang pupwede na silang magpiyesta.

NAGHIHIRAP NA BAYAN

Habang nagaganap ang mga agawan sa kapangyarihan, ganito rin ba ang nagaganap sa gitna ng malawakan at matinding paghihirap ng higit na nakararaming mamamayan?

‘Yung bang === inaagaw ba ng mga sangkot sa impeachment at agawan sa kapangyarihan sa Senado ang mamamayan mula sa kamay ng kahirapan dahil sa matinding korapsyon, mahal na bilihin, kasama ang bigas, maliit na halaga ng piso, kawalan ng pinagkakakitaan ng milyon-milyon Pinoy, krisis sa langis at iba pa?

O baka naman, ang agawan nila ay para sa mga pansariling interes lamang?

‘Yun bang === higit na magpayaman sa pwesto kaysa palayain ang mga mamamayan sa kahirapan, gutom at kawalan?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here