MANILA, Philippines – Nagpasalamat si Senador Christopher “Bong” Go sa Iglesia Ni Cristo (INC) sa patuloy nitong suporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa kanyang pamilya sa kabila ng tensyong dulot ng kanyang pagkakakulong sa The Hague.
Pinuri ni Go ang INC sa panawagan nitong unahin ang pagkakaisa, igalang ang batas, at hayaang gumana nang malaya ang mga institusyong panghukuman. Iginiit niya ang kahalagahan ng pagtitimpi at paggalang upang maiwasan ang kaguluhan.
“Sa ganitong panahon ng kaguluhan at pagdududa, napakahalaga ng mga boses na naninindigan para sa batas at kapayapaan. Unahin po natin ang kapakanan ng mga Pilipino at ipaglaban ang interes ng bayan ani,” Go sa isang video message.
“Ang kailangan natin ngayon ay pagkakaisa at pagkilala sa proseso ng ating batas. Meron naman tayong mga korte na nananatiling malaya at functional,” aniya pa.
Ang INC, na kilala sa impluwensya nito sa halalan sa pamamagitan ng bloc voting, ay una nang pumuna sa gobyerno sa hindi nito pakikinig sa panawagang pagkakaisa at kapayapaan na kanilang ipinakita sa National Rally for Peace noong Enero 13.
Sinang-ayunan ito ni Go at hinimok ang mga Pilipino na pagtuunan ng pansin ang nagbubuklod sa kanila sa halip na ang kanilang mga pagkakaiba. “Sa kabila ng mga pagsubok at pagkakaiba ng opinyon, dalangin ko na hindi tayo magkawatak-watak,” aniya. RNT