Home NATIONWIDE Incoming DepEd chief Sonny Angara bukas makatrabaho sinuman

Incoming DepEd chief Sonny Angara bukas makatrabaho sinuman

114
0

MANILA, Philippines- Handa si incoming Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara na makatrabaho ang sinuman.

Ito’y matapos na magbitiw sa kanyang tungkulin si Undersecretary Michael Poa.

Bukod kay Poa, nagbitiw na rin sa pwesto sina Undersecretary for Admin Nolasco Mempin, Assistant Secretary Sunshine Fajarda, Assistant Secretary for Procurement Reynold Munsayac at Assistant Secretary for Admin Noel Baluyan.

Sa isang panayam, sinabi ni Angara na mayroon siyang nakatakdang serye ng pakikipagpulong sa mga opisyal ng DepEd bago pa ang opisyal na turnover ceremony, araw ng Huwebes, Hulyo 18, 2024.

Subalit sinabi ni Angara na hindi pa siya personal na nakikipagkita kay Vice President at outgoing DepEd Secretary Sara Duterte.

“Marami kaming meetings, nagmi-meeting kami with the undersecretaries and assistant secretaries at kahapon ka-meeting namin ang mga regional directors. At least pagpasok natin sa Biyernes, medyo kabisado na natin yung ibang issue at mga lalanding sa table namin na kailangan pirmahan at least di na tumagal,” ang sinabi ni Angara.

Aniya ang ‘timing’ ng kanyang appointment bilang bagong hepe ng DepEd ay mahalaga lalo pa’t magbubukas ang klase sa Hulyo 29 at nalalapit na ang budget season.

“Willing to work with anyone ako eh. Di naman ito political position diba so gusto natin eh yung pagka-appoint natin gitnang-gitna ng taon pasukan na budget season na dapat ready tayo, tayo ang mag-adjust, hindi sila,” dagdag na pahayag ni Angara.

Pinasalamatan niya ang DepEd para sa kooperasyon nito sa panahon ng transition period.

“Very cooperative sila nagpapasalamat kami sa mga officials dahil kahit sila’y may trabaho eh nagbibigay sila ng oras para ma-brief kami para di kami magulat pagpasok namin,” dagdag niya.

Ang mga kagyat na usapin para kay Angara ay kinabibilangan ng pagbubukas ng klase at pagrerebisa ng umiiral na curriculum, bukod sa iba pa.

Sa kabilang dako, nakatakdang magpulong sina Angara at Duterte, araw ng Miyerkules, Hulyo 17 para sa pormal na turnover ceremony sa DepEd central office sa Pasig City.

At nang tanungin kung hihiling din siya ng confidential funds, mas gusto aniya niya na panatilihin ang isang status quo at hindi hihiling ng kahit na isa.

“Sa confidential funds, si VP naman hindi na humingi on the last 2 budgets…so tuloy na lang namin yun. Hindi na kami hihingi,” pahayag ni Angara.

Samantala, naniniwala si Angara na ang pagbibigay-inspirasyon sa mga estudyante at guro na galingan pa ay isang malaking hamon sa kanya bilang hepe ng DepEd.

“‘Pag inspired yung ating mga estudyante, eager sila na mag-aral, yung guro naman excited na magturo. Yun ang gusto natin magawa,” ayon kay Angara.

Para kay Angara, malinaw na mayroong mahinang pagpapatupad sa K-12 program.

“President Ferdinand Marcos Jr.’s marching order for him is to of the program,” ani Angara.

“Maganda yung concept ng K to 12 mabigyan ng trabaho ang graduates, prepare for jobs here and abroad ahead… Kaso butas-butas yung pag implementation natin so ngayon yung mga konting pagkukulang na yun eh pupunan po natin,” patuloy niya.

“Yung facilities yung curriculum ah yung lack of accreditation for tech-voc graduate kaya yung mga employers ‘di alam ang tinapos neto may degree nga siya pero ano yung actual skills niya, skills and competencies,” dagdag niya. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here