JAKARTA, Indonesia – Nag-utos ang Indonesia nitong Lunes ng agarang paglikas sa ilang hilagang lugar matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa katimugang Pilipinas at nagdulot ng banta ng tsunami.
Ayon sa Indonesian disaster agency, pinayuhan ang mga residente sa mga lugar na may pinakamataas na panganib kabilang ang Manado sa North Sulawesi, hilagang bahagi ng Gorontalo, at mga isla ng Sangihe na lumikas sa mas mataas na lugar.
“The public is urged not to panic, to prioritise the safety of vulnerable groups such as the elderly, people with disabilities, and children, and to always comply with official instructions,” sinabi ng tagapagsalitang si Abdul Muhari.
Iniulat din na bahagyang naramdaman ang lindol sa mga apektadong lugar sa Indonesia sa loob ng dalawa hanggang tatlong segundo, at nananatiling maayos at kontrolado ang sitwasyon.
Nagbabala rin ang mga awtoridad laban sa pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon at hinikayat ang publiko na sumunod lamang sa opisyal na mga abiso.
Pinayuhan ang mga residente sa mga lugar malapit sa danger zone na umiwas muna sa mga baybayin, pampang ng ilog, at anumang aktibidad sa katubigan habang nagpapatuloy ang pagmamanman sa posibleng tsunami.
Paalala ng Indonesia na madalas silang makaranas ng lindol dahil kabilang ang bansa sa Pacific Ring of Fire, isang rehiyong kilala sa matinding aktibidad ng lindol at bulkan. RNT/MND