Home OPINION INIT NAKAMAMATAY LAHAT MAG-INGAT

INIT NAKAMAMATAY LAHAT MAG-INGAT

MAG-INGAT dapat lahat sa sobra nang init nang panahon.

Umabot na ang init sa 42 degrees Celsius  o delikadong antas, ayon sa Philippine, Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration.

Ayon sa PAGASA, kung aabot ang init sa 42-51, dangerous level na ‘yan.

Nagsimula nang tamaan ng delikadong init ang ilang lugar gaya ng Tuguegarao, Cagayan; Bacnotan, La Union; Calapan, Oriental Mindoro; Coron, Palawan; at Cotabato City, Maguindanao.

Tiyak na darami pa ang mga ito sa mga darating na araw.

Ang pinagsamang El Niño at tag-init ang dahilan ng sobrang init ng panahon.

Para madaling maintindihan ito, kumbaga sa tao, kapag umabot ang lagnat ng isang tao sa 40, tipus na ang aabutin nito.

Ngayon naman, hindi pa naman tayo titipusin sa init sa paligid na 42 degrees Celsius kahit lagpas sa 40 degrees.

Pero nararamdaman na natin na parang nadadarang na ang ating mga balat sa lumalagablab na apoy.

Kung nagmomotorsiklo ka at natrapik, at wala kang suot na mahabang pantakip sa braso, diyan mo na ramdam na ramdam ang init.

Pagdating mo sa bahay, sunog na sunog na ang balat mo.

HINDI TIPUS KUNDI DISGRASYA

Sa mga nagkakalagnat lang umuubra ang tipus at dito maaaring masiraan ka ng utak o atakehin ka ng pagkapilay sa paa at kamay.

Malas ka na lang talaga kung mautas ka.

Pero sa init ng panahon, maraming disgrasya ang aabutin mo at ito ang mga papatay sa iyo.

Maaari kang mamamatay mismo sa init nang panahon sa mga lugar na wala kang masisilungan.

Ang mga baka nga na matibay sa init, namamatay sa init ng panahon, ikaw pang tao ka.

Heat stroke ang tawag sa papatay sa iyo.

At karaniwang biktima rito ang mga senior citizen at may malulubhang sakit.

At dahil magtatagal ang init ng panahon hanggang Mayo, baka magkaroon ng blakawt at brawnawt.

Kapag nawalan ng kuryente ang ospital na nagsasagawa ng operasyon, maaaring may masasawi riyan, kasama na ang mga nasa intensive care unit.

ANO ANG GAGAWIN?

Kung nahihilo at nanghihina ka lang, magagawan pa yan ng paraan.

Pero kapag na-heat stroke ka, maaari ka pa namang maitakbo sa ospital ngunit maaari kang patay na sa daan o dead on arrival.

Heto ang ilang pupwede nating gawin.

Iwasan ang paglabas-labas ng bahay nang hindi kinakailangan, uminom ng maraming tubig at iwasang uminom ng tsaa, kape, softdrink, lalo na ang alak.

Isa pa, kung lalabas ka, magdala ka ng payong, sombrero, may mahahabang manggas na damit at iba pa.

Kapag nasa trabaho ka, gaya ng mga nasa konstraksyon o nasa bukid, hangga’t maaari, saka ka na lang umentra kapag may paglamig na sa work site na bukas sa kalangitan.

Maiintindihan naman at bibigyan pa nga kayo ng mga bossing ng tamang time para riyan.

Previous articleJobless Filipinos sumirit sa 9.4M nitong Disyembre 2023 —SWS
Next articlePH resupply ship ubos na sa paghaharas ng China