Home OPINION INSULTO SA MAHIHIRAP

INSULTO SA MAHIHIRAP

ISA ako sa mga sumesegunda sa panawagan ni dating finance undersecretary Cielo Magno na sibakin na sa puwesto si Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon. Sa kanyang mga naging pahayag, sa isang panayam kamakailan, wala siyang anomang pahiwatig na ang pagtugon sa kahirapan ay isang agarang pangangailangan — sinabing ang mga bumabatikos sa Presidente dahil sa malawakang kahirapan ay panay espekulasyon lamang. Haka-haka lang daw!

Ang wala sa hulog na paliwanag ni Gadon na hindi totoong naghihirap ang mga Pilipino kung pagbabasehan ang dagsa ng mga tao sa malls at ang mataas na car sales ay nakatatawa na nakagagalit. Tag-init at may El Niño pa — siyempre, nagpupuntahan sa malls ang mga tao upang makaiwas sa sobrang maalinsangang panahon, hindi para ipangalandakan ang kanilang kayamanan.

Ang kanyang deklarasyon ay hindi lang malamya kundi kahiya-hiya rin, lalo na nang inamin niyang ang kahirapan sa bansa ay nasa 23.4%.

Ang lantarang pambabalewalang ito sa reyalidad ng aktuwal na pagdarahop ng mga Pilipino ay nagpapakita ng kanyang kawalang pakialam; isang insulto sa mahihirap. Sa halip na magpakawala ng walang kabalbalang mga pahayag, bakit hindi na lang ipamahagi ni Gadon ang kanyang sahod sa mahihirap — kahit paano, nagkaroon pa sana ng kabuluhan ang buwis na kinokolekta sa atin.

Ang pagsasabing ang kahirapan ay isa lamang haka-haka habang talamak ang kahirapan sa buong bansa ay pagpapakita ng purong kamangmangan o pagpapanggap sa katangahan. Alinman sa dalawa, isa pa rin iyong malutong na sampal sa mukha ng bawat Pilipinong patuloy na lumalaban mairaos lang ang maghapon sa araw-araw.

President Bongbong o baka naman pwedeng si Madam First Lady Liza, pakipalitan naman  sa puwesto ang hindi nakatatawang payaso na ito; maliban na lang kung pare-pareho kayo nang pagkakaunawa sa kahirapan.

 

Tinraydor ng Senado?

 

Kung hindi ako naniniwala noon, kumbinsido na ako ngayon na totoo pala ‘yung tinatawag na crocodile tears – at nanggaling pa talaga sa bato. Ah, ‘wag nating ipagpalagay na ang tinutukoy ko ay ang pag-iyak ni Sen. Bato dela Rosa sa harap ng tinraydor niyang kabaro habang nagtatalumpati ito noong Lunes. Ang sinasabi ko ay ang Himalayan salt rocks, mistulang lumuluha sa paglalabas ng peachy crystallized tears na gawa sa asin.

 

Pero dahil nabanggit na rin lang natin ang nangyaring rigodon sa Senado: Aray ko! Dama ko ang sakit ng damdamin ni Zubiri.

 

Sa lahat ng mabubuting bagay na ginawa ni Zubiri para sa respetadong kapulungan, napahamak pa talaga siya dahil sa kanyang prinsipyo, sabi niya.

 

Tinraydor ng karamihan ng kanyang mga kasamahan, ang pagpapatalsik kay Zubiri ay isang malungkot na paalala kung gaano katindi ang impluwensiya ng kapangyarihan sa kultura ng pulitika sa Pilipinas.

 

Sa kabila nang napakarami niyang mabubuting katangian, nagpapakita ngayon si Senate President Chiz Escudero — na ginapang ang pagpapatalsik sa puwesto kay Zubiri sa pamamagitan ng pasekretong kasunduan — ng bad optics para sa Senado.

 

Ang pagtatraydor ng 15 – lalo na si Sen. Bato, na ang ginagawang pagdinig ay naglagay sa alanganin sa reputasyon ng Pangulo — ay hindi lamang personal; isa itong pagtalikod sa tradisyon at prinsipyo ng isang independent na Senado. Isa iyong black eye sa bawat Pilipino na naniniwalang ang mga inihalal nilang senador ay buong tapat na naglilingkod nang may malasakit sa kapakanan ng publiko dahil hindi sila naiimpluwensiyahan ng kababawan ng pulitika at hindi rin nakokontrol ng Pangulo.

 

Anong klaseng tapat na paglilingkod para sa ikabubuti ng taumbayan ang maaasahan natin mula kay Chiz at sa 14 kapareho niyang mag-isip? Paano kung ang pang-aagaw ng kapangyarihang ito ay hindi tungkol sa kapakanan ng bayan, kundi sa pagtalima sa “the powers that be”?

 

*         *         *

 

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.