Home OPINION KARMA SA NAGSISIRAAN SA WSP

KARMA SA NAGSISIRAAN SA WSP

PARE-PAREHONG nalalantad sa publiko ang mga sikret na kasunduan ng pamahalaang Pilipinas at China sa kaugnay ng West Philippine Sea at economic exclusive zone mula sa mga administtrasyon nina ex-Presidents Noynoy Aquino at Digong Duterte hanggang sa administrasyon ni President Bongbong Marcos.

Kung tinutuligsa sa panahon ni Duterte ang kasunduan ni Aquino at ni Marcos ang kay Duterte, ngayon lumiliyab din ang tuligsa kay Marcos.

Kung ano-ano ang mga nilalaman ng mga kasunduan, walang gaanong umaamin.

Tanging si Duterte lang ang umaming nagkaroon ng kasunduan ngunit iginiit nitong wala ni anomang ibinigay nito sa China.

Status quo umano ang pinasok niyang kasunduan gaya nang kawalan ng armadong pagpapatrulya ng magkabilang panig upang hindi magkagulo at hayaan lang ang mga mangingisda na mangisda sa pinag-aagawang bahagi ng karagatan.

Ngayong panahon naman ni Marcos, may pag-amin na nagkaroon ng kasunduan pero hanggang kay dating Philippine Navy Vice Admiral Alberto Carlos lang daw.

At wala raw basbas mula sa nakatataas sa kanya?

Pero tila talagang may kasunduan na maaaring binasbasan ng ilang nakatataas kaya ganu’n na lang ang panggagalaiti ng mga nasa Malakanyang at Kongreso ukol sa wiretapping sa usapan.

Hayun nga at nagbitiw na lang si Carlos sa kanyang pwesto nang nakatikom ang bibig.

Ang punto lang natin, para makakuha ng simpatiya ng mamamayan, nakaugalian na ng bawat administrasyon ang paninira sa isa’t isa at kasama sa siraan ang kanya-kanyang kasunduan sa Tsina na kaagaw ng Pinas sa exclusive economic zone.

Sa parte ng administrasyong Marcos, pareho na ito ng Duterte administration na gustong isalang sa Kongreso para imbestigasyon.

At maaaring magising din ang imbestigasyon ukol kasunduang Aquino-Tsina.

Ang masasabi lang natin, kinakarma ang wala nang ginawa kundi manira ng iba para sa pansariling interes at hindi naman talaga pangunahin para sa bayan.

O siraan pa more para lalong darating ang karma sa inyo.