MANILA, Philippines – Mariing itinanggi ng Malacañang Press Corps (MPC) ang alegasyong ginagamit o binabayaran ang mga miyembro nito upang pagtakpan ang tunay na kalagayan ng kalusugan ni Pangulong Marcos, at tinawag itong walang basehan at mapanlinlang.
Sa pahayag, sinabi ng MPC na “firmly rejects” nito ang akusasyong nakompromiso ang kanilang kalayaan at integridad sa pag-uulat tungkol sa Pangulo.
Iginiit ng grupo na patuloy nilang tinatanong ang mga opisyal ng gobyerno tungkol sa kalusugan ng Pangulo sa mga press briefing.
“Malinaw sa mga nakaraang ulat at mga video ng mga press briefing kung paanong inusisa ng aming mga kasapi ang mga opisyal ng pamahalaan,” ani ng grupo.
Ayon pa sa MPC, ang kanilang mga ulat ay nakabatay sa opisyal na impormasyon at firsthand observation.
“Amin ding bineberipika ang anumang impormasyon… bago namin ibahagi sa publiko,” dagdag nito.
Pinanindigan ng MPC na sumusunod ang kanilang mga miyembro sa propesyonal na pamantayan ng pamamahayag.
Kinondena rin ng grupo ang “blatant attempts” na sirain ang kredibilidad ng mga mamamahayag at iligaw ang publiko.
“Kinokondena rin namin ang garapal na mga pagtatangkang sirain ang kredibilidad ng mga mamamahayag,” pahayag nito.
Nagbabala rin ang MPC na may mga interes na itinutulak sa likod ng ganitong mga naratibo.
Tinuligsa rin ng grupo ang ilang social media content creators na nagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon.
“Hindi ito ginagawa ng mga content creator na ang tanging puhunan ay… malikot na imahinasyon at kwestyonableng agenda,” ayon sa MPC.
Binigyang-diin ng MPC na ang responsableng pamamahayag ay nakabatay sa beripikasyon at pananagutan, at hindi kasama rito ang pagpapakalat ng gawa-gawang balita.
“Madaling magbintang… madaling magkalat ng mga walang basehang tsismis,” ani nito.
Hinimok ng MPC ang publiko na maging mapanuri sa mga impormasyong nakikita sa social media.
“Hinihimok namin ang lahat na maging mapanuri… at kilatisin ang pinanggagalingan ng impormasyon,” saad nito.
Sa kabila ng mga akusasyon, sinabi ng MPC na magpapatuloy sila sa pagtatanong at patas na pag-uulat tungkol sa mga aksyon at polisiya ng Pangulo.
“Patuloy kaming magtatanong… at mag-uulat ng patas,” pagtatapos ng grupo.
Binigyang-diin din ng MPC na mananatili silang nakatuon sa katotohanan at kapakanan ng publiko, anuman ang nakaupo sa Malacañang. RNT/MND