MANILA, Philippines – Dumalo si Senator Christopher “Bong” Go bilang pangunahing tagapagsalita sa midyear convention Integrated Philippines Association of Optometrists (IPAO) na isinagawa sa EDSA Shangri-La, Mandaluyong City noong Lunes.
Ang okasyon ay dinaluhan din ng mga optometrist mula sa iba’t ibang panig ng bansa na inorganisa ng IPAO sa pamumuno ni National President, Dr. Charlie Ho.
Sa kanyang talumpati, lubos na nagpasalamat si Senator Go sa patuloy na pagtitiwala sa kanya ng medical professionals at health advocates.
“Maraming salamat po sa pagkakataon na muli ninyong ibinigay sa akin para makapagserbisyo. Hinding-hindi ko po sasayangin ang pagkakataon na ibinigay ninyo,” ani Go.
“Hindi niyo po ako maririnig na nangangako na gagawin ko ito o ganyan. Sabi ko, I will try my very best. Gagawin ko lang po ang aking trabaho— at uunahin ko ang interes ng bayan, interes ng Pilipino. At hinding-hindi ko po pababayaan ang ating mga kababayan, lalo na ang ating mga pasyenteng mahihirap. Uunahin ko yung makakatulong po sa kanila,” dagdag ng senador.
Ang kombensiyon ay nagbigay ng plataporma para sa healthcare professionals na makipagpalitan ng pananaw sa mga hamon sa larangan ng optometry at sa umuusbong na papel ng batas sa paghahatid ng pangangalagang pangkalusugan.
Sa kanyang bahagi, binigyang-diin ni Senador Go dapat palakasin ang pagtutulungan ng gobyerno at ng sektor ng kalusugan.
Binanggit ni Senator Go na ang pagsasama ng optometric services sa PhilHealth coverage ay kabilang sa mga kahilingan ng IPAO sa nakaraang pagpupulong noong 2024.
Bilang tugon, aktibo itong isinulong ni Go—isang inisyatiba na mainit na kinilala ng IPAO sa nasabing okasyon.
Kasabay nito, inilatag ni Go ang kanyang mga pangunahing health initiatives, partikular na ang Malasakit Centers program sa ilalim ng Republic Act No. 11463. Sa kasalukuyan ay may 167 Malasakit Centers ang operational sa iba’t ibang panig ng bansa na nakatulong na sa mahigit 17 milyong Filipino.
Mayroon din aniyang 700 Super Health Centers nationwide at Regional Specialty Centers para maghatid ng specialized care sa bawat rehiyon. RNT