Home HOME BANNER STORY Interview request ng ICC drug war probe dinedma ni Bato

Interview request ng ICC drug war probe dinedma ni Bato

MANILA, Philippines- Tumanggap ng interview request ang tanggapan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa hinggil sa isyu ng drug war probe ng International Criminal Court (ICC) sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kinumpirma ito ni Dela Rosa, dating hepe ng pambansang pulisya na nanguna sa paglulunsad ng war on drugs ni Duterte matapos kontakin umano siya ng ilang dayuhan na humihingi ng panayam na hindi naman nito pinangalanan.

“May nag-contact sa opisina pero in-ignore man namin dahil alam man namin na wala silang jurisdiction sa atin…Hindi namin pinatulan baka mamaya mga gago-gago lang ‘yun na mga tao na sumasakay sa issue, nag-gawa ng pangalan na kunwari European daw sila na gusto mag-interview sa akin,” ayon kay Dela Rosa sa press conference pagkatapos maghain ng certificate of candidacy para sa Senado 2025 midterm polls.

“Sabay sabay eh. Nu’ng pagsabi ni [former Senator Antonio] Trillanes ng issue na ‘yan, meron nagtawag tawag sa amin, ang sabi ko, ‘Wag niyo intertainin ‘yan dahil baka mga sira-ulo lang ‘yan na sumasakay sa issue,'” dagdag niya.

Naunang inihayag ni Trillanes na kasama si Dela Rosa at apat pang dating matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang itinuring na suspek sa ICC investigation.

Nakita ang alegasyon ni Trillanes sa kopya ng kautusan ng ICC Office of the Prosecutor (OTP) sa X (dating Twitter).

Ibinahagi din ni Trillanes na hiniling ng ICC sa International Criminal Police Organization (Interpol) na magpalabas ng blue notice laban sa lahat ng persons of interest sa imbestigasyon ng war on drugs ng Duterte administration.

Base sa records ng gobyerno, umabot sa 6,200 drug individual ang napatay saanti-drug police operations. Ngunit, sinabi ng ilang Human rights organizations, na maaaaring umabot sa 30,000 ang biktima dahil marami ang hindi naitala.

Kasama sa napatay sa war on drugs si Kian Delos Santos at ilang pang menor-de-edad na lantarang pinatay ng pulis sa iba’t ibang bahagi ng bansa kapalit umano ng “pabuya” mula sa administrasyong Duterte. Ernie Reyes