Kinuwestyon ng publiko na nanonood sa mga pagdinig sa Kamara ang naging lohika sa paliwanag ni Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro kaugnay sa Executive Order No. 13 na inilabas ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, habang dinidinig ang Philippine Offshore Gaming Corporation.
Inilabas ang E.O. No. 13 noong taong 2017 ni dating Pangulong Duterte, na isang administratibong utos na naglinaw sa mga tungkulin ng mga ahensya na nagre-regulate ng sugal at nagpatibay sa mga umiiral na batas.
Ayon sa mga legal expert, malinaw na hindi ito naglikha ng bagong batas kundi sinigurado lang na ang mga lisensyadong operator lang ang maaaring magpatakbo ng online gaming, alinsunod sa mga batas na pinasa na ng Kongreso.
Taliwas kasi ito sa pahayag ni Rep. Luistro sa kanyang argumento na ang E.O. 13, sumaklaw sa kapangyarihan ng Kongreso na magpasa ng batas.
Sa ilalim kasi ng Republic Act No. 11590, na ipinasa ng Kongreso noong 2021, nagpapatibay ito ng kapangyarihan ng PAGCOR sa online gaming.
Kabilang sa ipinag-utos nito ang pag-require sa ang mga POGO na kumuha ng lisensya at magbayad ng buwis, kaya’t pinatibay ang regulasyon sa online gaming.
Malayong-malayo kasi ito sa pahayag ni Rep. Luistro na ang EO 13 ay sumaklaw sa kapangyarihan ng Kongreso.
Anila, hindi lamang ito mali kundi nakasisira pa sa kredibilidad ng House of Representatives.
“Ipinapakita ng kanyang mga salita ang kanyang kakulangan sa pag-unawa sa isyu kung paano gumagana ang mga executive order sa loob ng mas malawak na balangkas ng batas. Kailangang magtaglay ang mga mambabatas ng sapat na kaalaman upang matiyak ang epektibong pamahalaan at protektahan ang integridad ng ating mga institusyon,” sabi ng mga legal experts. RNT