Home HOME BANNER STORY Inutang na P300K pambili ng dyip natupok sa sunog sa Taguig

Inutang na P300K pambili ng dyip natupok sa sunog sa Taguig

MANILA, Philippines – Naabo ang P300,000 pera ng isang jeepney driver matapos itong madamay sa sunog na sumiklab sa Taguig City nitong Martes.

Napag-alaman na ang nasabing pera ay inutang lang ng pobreng tsuper.

Napag-alaman na wala si Joseph Puede sa kanilang bahay nang mangyari ang sunog.

Hindi naman nagawang nailigtas ng kanyang asawa ang pera o anuman sa kanilang mga ari-arian habang siya at ang kanyang maliit na anak ay mabilis na lumikas bunsod ng sunog.

“Hindi na po nakuha ng asawa ko kasi mas inuna nya itong bunso ko, kasi tulog po ito tapos ang hinihigaan nyang foam umaapoy na. Hinila lang po yan kasi buntis ang asawa ko, hindi siya kayang buhatin hinila lang siya at hinulog sa hagdan para makaligtas lang siya. Yung asawa ko, hindi na makahakbang nagpadulas na lang sa hagdan,” ani Joseph.

Sa kabila ng pagpapasalamat na walang nangyaring masama sa kanyang pamilya, namumroblema naman ngayon si Joseph kung paano niya maibabalik ang P300,000 na inutang sa kanyang mga kamag-anak para sana makabili ng sariling jeepney.

Napag-alaman na nasa 15 bahay ang natupok ng apoy na nagsimula sa isang electric fan. RNT