MANILA, Philippines- Inaasahang magsisimula sa first quarter ng 2024 ang investment activity ng Maharlika Investment Corporation (MIC), state-owned company na mangangasiwa sa kauna-unahang sovereign wealth fund ng bansa.
Nagpahayag ng kumpiyansa si Finance Secretary Benjamin Diokno na ang Maharlika Investment Fund (MIF) ay magiging “fully operational” sa pagtatapos ng 2023.
Ang inisyal na puhunan ng MIC ay sigurado na. Sa katunayan, nailipat na ng Land Bank of the Philippines ang P50 billion at Development Bank of the Philippines ang P25 billion na kanilang mandatory contributions sa initial capital ng MIC sa account ng Bureau of the Treasury (BTr).
Nag-remit naman ang Bangko Sentral ng Pilipinas, isang pinaghutan ng kontribusyon ng gobyerno para sa inisyal na kapital ng MIC, ng P31.859 bilyon.
Sinabi ni Diokno na ang Advisory Body ng MIC, binubuo ng Kalihim ng Department of Budget and Management (DBM), Secretary of the National Economic and Development Authority (NEDA), at BTr— ay inaasahag magpapadala kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng pinal na listahan ng mga nominado para sa MIC Board of Directors sa mismong araw o bago ang Oktubre 12, 2023.
“After which the President of the Philippines shall appoint the best candidates for the respective positions,” ayon kay Diokno.
Sa kabilang dako, ang Board of Directors ng MIC ay binubuo ng pangulo at CEO; Finance secretary, magsisilbing ex-officio chairperson; mga pangulo ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines; dalawang regular directors; at independent directors mula sa pribadong sektor.
Sa oras aniya na makumpleto na ang MIC Board, kagyat na magsasagawa ito ng pagpupulong, tanda ng pagsisimula ng operasyon ng sovereign wealth fund.
Sa tanong kung kailan sisimulan ng MIC ang kanilang investment activities, sinabi ni Diokno na, “Around first quarter of next year.”
Sa ngayon aniya ay hinihintay ng mga investors ang “faces of the MIC,” kani-kanilang estratehiya at kung saan sila mamumuhunan sa MIF. Kris Jose