Home METRO Ipo-ipo tumama sa 10 bayan sa Ilocos Sur

Ipo-ipo tumama sa 10 bayan sa Ilocos Sur

1
0

ILOCOS SUR, Philippines – Hindi bababa sa 10 bayan sa Ilocos Sur ang hinagupit ng malalakas na ipo-ipo sa loob ng dalawang magkasunod na gabi, na nagdulot ng pagkasira ng mga bubong at bahay, beach huts, at pagkatumba ng mga puno dahil sa malakas na ulan at hangin dulot ng habagat.

Ayon kay Ilocos Sur Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Rhon Arquelada, kabilang sa mga apektadong bayan ang Burgos, Bantay, Narvacan, Cabugao, Sinait, Magsingal, Sto. Domingo, San Vicente, Santa Catalina, at Caoayan. Unang tinamaan ang Burgos noong gabi ng Agosto 30, habang siyam na iba pang bayan ang nakaranas ng ipo-ipo noong Agosto 31.

“We are still in the process of assessing the damage to houses and huts caused by the whirlwinds in the other towns in the province,” ani Arquelada.

Sa Burgos, hindi bababa sa 10 bahay ang bahagyang nasira sa Barangays Manaboc at Bangbangar nang hagupitin ng ipo-ipo ang lugar bandang alas-6 ng gabi noong Linggo. Natanggal ang mga bubong ng bahay at garahe at nabunot ang ilang puno. Agad na rumesponde ang mga pulis at disaster personnel, inilikas ang mga residente sa ligtas na lugar at nagsagawa ng clearing operations.

Sa Narvacan, apat na kubo sa WOW Sulvec Beach sa Barangay Sulvec ang malubhang nasira, habang ilang puno ang natumba. Sa Cabugao, tumama ang ipo-ipo bandang alas-6:30 ng gabi sa Barangays Quezon, Baclig at Rizal, kung saan ilang puno ang bumagsak sa mga kalsada at may mga bahay na bahagyang nasira.

Nakararanas din ng pinsala ang Barangay Aging sa Sinait, kabilang ang mga bubong ng ilang bahay na tinangay ng hangin at mga punong nabunot. Patuloy ang pagsusuri sa pinsala sa lahat ng apektadong lugar.

Walang naiulat na nasugatan o nasawi sa mga insidente.

Nananatiling naka-heightened alert ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office dahil sa patuloy na malakas na ulan dulot ng habagat. As of noon ng Setyembre 1, 90 pamilya o 225 indibidwal mula sa 18 bayan ang nananatili sa evacuation centers. Samantala, umabot na sa 5,026 pamilya o 17,371 indibidwal ang naapektuhan ng masamang panahon sa lalawigan. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here