TEHRAN, Iran – Inihayag ng oil ministry ng Iran na nakapagbenta ito ng $18 bilyong halaga ng langis sa panahon ng digmaan at kasunod na tigil-putukan sa Estados Unidos.
Ayon sa ahensya, $11.5 bilyon ang kinita habang may digmaan at $6.5 bilyon naman sa panahon ng ceasefire na kalaunan ay muling nauwi sa labanan.
“This covers more than 60 percent of the oil revenues forecast in the year’s budget in the midst of the crisis,” ayon sa pahayag ng ministry.
Gayunman, noong huling bahagi ng Hunyo, sinabi ni Iranian Parliament Speaker at chief negotiator Mohammad Bagher Ghalibaf na hindi nakapag-export ng langis ang Iran dahil sa blockade ng Estados Unidos sa mga daungan nito.
Nagsimula ang digmaan noong Pebrero 28 matapos ang pag-atake ng US at Israel sa Iran, na sinagot naman ng Iran sa pamamagitan ng pag-atake sa mga kaalyado ng US sa rehiyon.
Nagkaroon ng ceasefire noong Abril, ngunit muling sumiklab ang labanan nitong Hulyo dahil sa alitan sa kontrol ng mahalagang Strait of Hormuz. RNT/MDS