Home HOME BANNER STORY Iran, US nagkasundo sa pagpapatigil ng mga pag-atake

Iran, US nagkasundo sa pagpapatigil ng mga pag-atake

1
0

MANILA, Philippines – Nagkasundo ang Iran at Estados Unidos na itigil ang kamakailang pag-atake sa Gulf at ipagpatuloy ang usapin kaugnay ng sigalot sa Strait of Hormuz, ayon sa ulat ng Axios nitong Linggo, Hunyo 28.

Batay sa ulat, nakatakdang magpulong ang dalawang panig sa Martes sa Qatar, ayon sa isang senior U.S. official.

Ang pagbabalik sa negosasyon ay kasunod ng ilang araw na palitan ng pag-atake matapos tamaan ng Iranian projectile ang isang cargo vessel sa Strait of Hormuz noong Huwebes.

Kapwa inakusahan ng Washington at Tehran ang isa’t isa ng paglabag sa pansamantalang tigil-putukan na napagkasunduan noong Hunyo 17.

Mas maaga nitong Linggo, nagpakawala ang Iran ng mga missile at drone laban sa mga base militar ng Amerika sa Kuwait at Bahrain, ilang oras matapos magbanta si US President Donald Trump na “wawakasan” ang pamunuan ng Iran kung hindi nito susundin ang kasunduan.

Samantala, sinabi ng Israel na muli nitong pinuntirya ang mga imprastraktura ng Hezbollah sa southern Lebanon, kasunod ng panibagong ceasefire agreement noong Biyernes.

Nauna ring inanunsyo ng militar ng US na nagsagawa ito ng panibagong airstrike laban sa Iran ilang oras matapos maatake ang isang tanker sa Strait of Hormuz, isa sa pinakamahalagang rutang dinadaanan ng pandaigdigang suplay ng langis.

“There may come a point when we are no longer able to be reasonable, and will be forced to militarily complete the job that we very successfully started,” ani Trump sa social media.

“If that happens, the Islamic Republic of Iran will no longer exist!” dagdag pa niya.

Ang 14-point interim peace accord ay naglalayong ihinto ang labanan, muling buksan ang Strait of Hormuz, at ipagpatuloy ang pag-uusap hinggil sa nuclear program ng Iran at iba pang isyu.

Gayunman, kinansela ng Iran ang nakatakdang technical talks sa US noong Linggo dahil sa umano’y mga pag-atake at hindi pa natutupad na kondisyon sa memorandum of understanding.

Sa gitna ng tensyon, sinabi ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) na target ng kanilang missile at drone attacks ang mga base militar ng US sa Kuwait at Bahrain bilang tugon sa umano’y paglabag ng Amerika sa ceasefire.

Ayon naman sa isang opisyal ng US, walang naiulat na nasawi o malaking pinsala sa mga pasilidad ng Amerika sa Middle East, bagama’t patuloy pa ring minomonitor ang sitwasyon.

Iniulat din ng Bahrain na isang gusaling tirahan ang napinsala sa Muharraq province matapos ang isang pag-atake, ngunit walang naiulat na nasugatan. Nanawagan ang bansa sa United Nations Security Council na magsagawa ng emergency meeting kaugnay ng insidente.

Samantala, sinabi ng Kuwait na na-intercept ng kanilang air defense system ang dalawang ballistic missile at walang naitalang pinsala o casualty.

Iniulat din ng Qatar na isang mamamayan nito ang nasawi at isa pa ang nasugatan matapos tamaan ng shrapnel ang sinasakyan nilang barko sa gitna ng mga operasyong militar sa rehiyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here