MANILA, Philippines – Namataan ang isang namumuong bagyo sa layong 510 kilometro silangan hilagang-silangan ng Virac, Catanduanes, bandang alas-3 ng madaling araw.
Sinabi ng PAGASA na magsasanib-pwersa ang Low Pressure Area (LPA), southwest monsoon o habagat, at localized thunderstorms para magdala ng maulap na papawirin, pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa Miyerkules.
Ang habagat ay makakaapekto sa western sections ng Visayas at Mindanao.
Ang Bicol Region, MIMAROPA, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, BARMM, SOCCSKSARGEN, at Quezon ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dahil sa LPA at habagat. Iniulat ng weather bureau na maaaring magkaroon ng flash flood o landslide sa mga lugar na ito dahil sa katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan.
Para sa Metro Manila at sa nalalabing bahagi ng bansa, magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dahil sa habagat at mga localized thunderstorm na may posibilidad ng mga flash flood o landslide na magaganap sa panahon ng thunderstorm.
Sumikat ang araw bandang 5:34 a.m., at lulubog ito ng 6:30 p.m. RNT