MANILA, Philippines – Hindi tumitigil ang search and rescue operations ng Philippine Coast Guard (PCG) para sa umabot na MV Trisha Kerstin 3 sa karagatang sakop ng Baluk-Baluk Island sa Basilan kung saan narekober ang isang bangkay sa lalim na 187 feet ng Technical Diving Group.
Ayon kay PCG TDG Supervisor Commander Cheska Jamorol PCG, natagpuan ang bangkay sa accommodation area ng lumubog na barko.
Agad itong isinakay at siniguro sa BRP Melchora Aquino at inilipat sa BRP Capones para maihatid sa Zamboanga City Port.
Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang Coast Guard District Southwestern Mindanao sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office para sa pagkakakilanlan at wastong disposisyon ng bangkay.
Sa pinakahuling tala, umabot na sa 46 ang bilang ng nasawi habang nananatiling 316 ang survivors.
Posible umanong mayroon pang ibang pasahero na na-trap sa lumubog na barko kaya patuloy ang ginagawang search and rescue operations ng PCG Technical Diving Group. Jocelyn Tabangcura-Domenden