Home OPINION ISA PANG BIG TIME OIL PRICE HIKE NAKAAMBA?

ISA PANG BIG TIME OIL PRICE HIKE NAKAAMBA?

BIGLANG tumaas ang presyong langis sa pandaigdigang merkado makaraang bombahin ng mga pwersang Amerikano at British ang ilang pwesto ng mga Houthi sa Yemen.

Sa mga ulat, tumaas ang Brent Crude ng  $1.53 o 2% presyo kada bariles para maging $78.94 mula sa $87.84 nitong nakaraang araw at mula sa  $78.48 nitong nakaraang linggo.

Ang US West Texas Intermediate, tumaas ng $1.53 2.1% ang bawat bariles sa $73.70 mula sa $73.61 sa nagdaang araw at $73.37 nitong nakaraang linggo.

Lahat ng pagbabago mapupuna depende sa kung anong publikasyon makikita subalit ang tiyak, tumaas ang krudo sa pandaigdigang merkado makaraan ang paglusob ng mga Amerikano at British sa Yemen.

At ang balita pa, agad na gumanti ang mga Houthi.

Dahil dito, lumikha ng delikadong kalagayan ang gyera sa Red Sea na daluyan ng mga langis na bumibiyahe mula sa Gitnang Silangan patungo sa Europa at Asia-Pasipiko.

Delikado dahil natatamaan ng mga missile at drone ng mga Houthi ang mga barko ngunit higit na delikado ngayon na may digmaang nagaganap mismo sa nasabing karagatan at ganap nang hindi magagamit ito na daluyan ng lahat ng mga sibilyang barko, kasama ang mga oil tanker.

Kung ano ang epekto ng pagtaas ng presyo ng krudo sa bawat litro ng gasolina, diesel, kerosene at aviation fuel sa Pilipinas, ang mga awtoridad ang makapagbibigay ng kalinawan.

Maaaring sasamantalahin din ng mga kompanyang langis lalo’t walang kapangyarihan ang pamahalaan na kontrolin ang mga presyo dahil sa pag-iral ng Oil Deregulation Law na tanging ang mga kompanya ng langis lamang ang makapagbaba o makapagtaas o makapagdagdag-bawas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sana naman, hindi gaanong malaki ang idaragdag na presyo sa Pilipinas ngunit hindi na tayo magtataka kung sa darating na mga araw o sa Martes, maiuulat na may “big time oil price hike”.

Previous articleDEBOSYON AT PAGBUBUNYI
Next articleLotto Draw Result as of | January 12, 2024